Pinangalanan na ang suspek sa rape-slay case sa architecture student na si Eden Joy Villacete sa Occidental Mindoro.
Kinilala ng LGU-San Jose ang 28 anyos na suspek na si Joviniel Miranda Cacayuran.
Matatandaang natagpuan ang katawan ni Villacete na naagnas noong 2 Hulyo sa loob ng inuupang apartment nito sa Brgy. 7, San Jose, Occidental Mindoro noong Hunyo 30, 2023.
Hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ng suspek noong nakaraang buwan dahil siya ay itinuturing pa lamang bilang isang person of interest.
Nadakip si Cacayuran sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Metro Manila noong 21 Hulyo 2023.
Sa ulat ng pulisya, agad na tumakas ang suspek sa Occidental Mindoro matapos niyang malaman na hina-hunting na siya ng binuong SITG tracker teams, at nagtungo sa Metro Manila para magtago.
Inamin na ng suspek ang krimen at sinabing wala siyang intensiyon na patayin si Villacete, gayunman,nagising umano ang dalagang biktima mula sa pagkakatulog nito at nang makita ang suspek ay nagtangkang manlaban sanhi upang siya ay pagsasaksakin.
Sa unang ulat ng pulisya, si Villacete ay nagtamo ng walong saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan mula sa isang kitchen knife o kutsilyo mula sa suspek.
Ang hubad at nagsisimula nang maagnas na katawan ni Villacete ay nadiskubre matapos na magreklamo ang mga kapitbahay nito makaraan silang makaamoy ng masangsang na nagmumula sa bahay ng nasabing college student.
Ayon sa mga housemates ng biktima na tubong Brgy. Poblacion, Calintan Occidental Mindoro, huli nilang nakitang buhay ang dalaga noong Hunyo 28.