Dead on the spot ang isang lalaking rider matapos pagbabarilin ng nakamotorsiklong magkaangkas sa Quezon City nitong Martes.
Tinukoy ang biktima na may edad 21 at residente ng Pasay City, batay sa mga nakuhang identification card sa kanya.
Nasapul naman sa CCTV ang ilang pangyayari bago ang krimen kung saan makikitang magkaangkas sa motrsiklo na suspek na binabaybay ang bahagi ng Bulusan corner, Calamba Street bandang 11 p.m, at umikot sa isa pang lansanagan.
Ilan sandali pa ay bumalik ang mga suspek sa lugar at nilapitan ang biktima na nakasay din ng motorsiklo sa Bulusan Street.
Matapos nito ay bigla na lang tumuba ang biktima. Makikita ring mabilis na umalis ang mga suspek.
Rumesponde naman ang mga barangay tanod na nakatanggap ng tawag mula sa mga residente na nakarinig daw ng putok ng baril.
Ayon sa pulisya, nagtamo ang biktima ng hindi bababa sa tatlong tama ng bala ng baril sa ulo.
Nakuha rin ng otoridad sa crime scene ang dalawang basyo ng bala at dalawang pakete ng hinihinalang shabu na nakalagay sa motorsiklo ng biktima.
Sa ngayon ay umaarangkada pa ang imbestigasyon sa nangyaring krimen, at inaalam pa kung ano ang posibleng motibo rito.