Iniimbestigahan ng Malaysian air accident investigators ang cockpit voice recorder (CVR) ng isang light plane na bumagsak sa daan malapit sa kabisera na ikinamatay ng sampung katao.
Ang Beechcraft Model 390 ay sumabog at nagmistulang isang malaking bola ng apoy nang sumalpok sa Selangor state sa kanlurang bahagi ng Kuala Lumpur.
Agad na namatay ang walong katao, anim na pasahero at dalawang flight crew, gayondin ang dalawang motorista sa isang four-lane road, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Transport Minister Anthony Loke na ang CVR, na natagpuan kamakalawa ay inaanalisa at ang insidente ay iniimbestigahan.
Nare-record ng CVR ang mga kaganapan sa cockpit, kasama ang mga huling pag-uusap ng flight crew at iba pang tunog.
“I have instructed for investigations to be sped up and done thoroughly. We will make the results public as soon as possible once analysis is concluded,” sabi niya sa mga mamamahayag.
Gaya ng iba pang maliliit na eroplano, ang aircraft ay may isa lamang CVR, at walang flight data recorder, sabi ng Malaysian police chief Razarudin Husain.
“So far, we have recovered all human remains of the victims,” aniya.