PINALUTANG na ng Commission on Elections ang balak na labanan ang nagiging talamak na istilo ng ating mga politiko tuwing may halalan – ang bumili ng mga boto.
Ito raw ay sinimulan ng Comelec sa pagbubuo at pinagtibay na komite na pamumunuan ni Commissioner Ernesto Maceda Jr. na tatawaging Committee on Kontra Bigay.
Layunin nito na wakasan na ang ‘vote-buying’ at ‘vote-selling’ sa pagpapakulong sa mga masasangkot sa ganitong sistema tuwing halalan.
Nagsimula na rin makipag-ugnayan ang Comelec sa mga law enforcement unit natin gaya ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police, dahil balak ng ahensiya na isakatuparan ng Committee on Kontra Bigay ang pag-aaresto ng kahit na walang warrant o ‘warrant less arrest’ na tinatawag, para mahuli ang mga masasangkot sa modus na ito.
Sa ganito raw na paraan mas matitiyak na ang isang halalan ay naging parehas sa lahat. Dahil nga sa panghuhuli ng mga kasali sa vote-buying at vote-selling na maaaktuhan at mahuhuli nang kahit na walang warrant.
Madali naman talagang patunayan ang sistemang ito tuwing may magaganap na eleksiyon dito sa atin. Tulad ng darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa 30 October.
Una, makikita ito sa pagkuha ng kandidato sa dami ng kanyang ‘watchers’ o’ taga-bantay ng kanyang boto sa kada presinto o lugar ng pag-boto.
Sino ba naman ang maniniwala kung sangkaterbang watchers ang pinabantay ng isang kandidato sa isang presinto? Ang pagkuha ng maraming watchers para sa Comelec ay isang paraan ng vote-buying.
Dahil binabayaran ang serbisyo kuno ng mga watchers.Eh mano pa, yun mga kandidatong kumukuha rin ng tinatawag na ‘workers’ o’ yaong mga taga-bigay ng kanilang pulyetos sa araw ng eleksiyon.
Dalawa lamang yan sa mga paraan ng vote-buying, na babantayan ng Committee on Kontra Bigay ng Comelec, lalo na sa parating na Barangay at SK Elections. Lamang diyan ang mga ‘incumbent’ na opisyal ng barangay dahil may mga regular na silang mga taong maililista bilang watchers at workers.
Paalala po! Bawal po yan!
Ang pamimigay at pagpapasuot ng t-shirt na may pangalan at mukha ng kandidato ay isang paraan din ng vote-buying ha, matagal nang sabi ng Comelec yan.
Kahit nga ang anumang klase ng bagay na ibinibigay sa botante ay bawal din, dahil isang uri din ito ng pamimili ng boto. Kung sa ngayon naglipana ang mga nagpapalugaw dahil nais makakurot ng boto sa darating na October 30 elections, asahan na dadami pa ito habang papalapit nang papalapit ang halalan.
Nakita na rin natin ang ganitong scenario kahit pa mapa-local o midterm elections, kahit nga national pa. Ang mga operator ng mga ganitong uri ng pandaraya ay yaong mga nasa barangay. Ang barangay officials ang taga-galaw sa mga ganitong operations.
Habang ang mga nagbabalak tumakbo at balak na ma-re-elect sa aming barangay diyan sa Frisco, District 1 ng Quezon City ay kanya-kanya nang agawan sa paglilista ng kanilang magiging watchers at workers.
Pagsa-sample ko lang yan, kagalang-galang na Comelec Chairman Ginoong George Garcia, pero pwede niyo na ring pasilip ang mga kaganapan sa aming barangay.
May isa pang modus, ayon na rin ito kay Chairman Garcia, na pati siya ay nagtataka kung saan nakukuha ng kampo ng mga kandidato ang indelible ink na inilalagay sa mga kuko ng daliri ng ating hintuturo upang mapakitang sila’y nakaboto na.
Ang sistemang ito ay ginagamit naman sa mga botante ng kalaban. Haharangin ang mga ito o kung minsan ay pinupuntahan na sa kanilang mga bahay, para bayaran at lagyan ng indelible ink ang kanilang mga hintuturo. Ang pinaka-dahilan ay para hindi na sila bumoto para sa kalaban ng kandidato.
Iwas huli rin naman daw ayon kay Comelec Chair Garcia, ang modus na ang bayad o suhol ay idinadaan na lamang online o e-wallet, mga ‘wired transaction’ gaya sa G-cash, Paymaya, Smart-padala, Palawan atbp.
Ito naman daw ay ina-address na ng Kontra Bigay sa pakikipag-ugnayan nito sa Banko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council para ma-trace ang mga malalaking transaction na magaganap.
Nile-layer kasi ang modus na ito, pasa-pasa ‘ika nga. Mas maganda kung ilang salin ang pagpasa ng pera para di ma-trace kung saan at kanino nag-simula ang pag-lipat ng malaking halaga ng perang pang-bili ng boto.
Kayanin nga kaya ng Kontra-Bigay ang lahat ng balakid na ito.
Simula nang mauso kasi ang vote-buying, naging negosyo na ang pagpasok sa politika. Ngayon, ang pagtakbo bilang konsehal sa Metro Manila lamang ay milyon na ang halaga. Ang pagiging kupitan, este kapitan ng barangay ay nasa 7 digits na rin ang gastusan.
Kasi nga, sa pamamagitan ng vote-buying, naging ‘luxurious business’ na ang pagpasok sa politika.