Buto ng manok at hindi buto ng tao ang natagpuan kamakailan sa poso negro sa New Bilibid Prison.
Ito ang lumabas sa imbestigasyon ng NBI batay sa isinagawang forensic identification.
“Hindi po siya buto ng tao.” ayon kay Dr. Annalyne Dadiz ng NBI Medico-Legal Division sa pagdinig ng Senado kahapon.
Isinagawa ang imbestigasyon matapis ang pagkawala ni Michael Cataroja, isang bilanggo ng Bilibid. Napaulat ang kanyang pagkawala noong Hulyo 15.
Nauna nang binanggit ni Justice secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na ang mga kalansay na natagpuan sa poso negro ay kay Cataroja, ngunit binawi niya rin ito.
Ikinokonsidera ng pinuno ng Bureau of Corrections na si Gregorio Catapang na posibleng nakatakas na ang nawawalang bilanggo.
Inaasahan ngayong linggo ang resulta ng forensic exam ng mga eksperto mula sa Unibersidad ng Pilipinas.