Kung gaano “kalupit” sa motorcycle riders at vendors na sumisilong sa mga flyover at overpass kapag malakas ang buhos ng ulan, gayon naman “kalambot” ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa construction company na obstruction din sa trapiko ang paglabag.
Inianunsyo ng MMDA kamakalawa na nakatakda silang maglabas ng notice of violation laban sa construction company na namamahala sa LRT-1 North Extension-Common Station Project matapos ito magdulot ng matinding trapiko sa EDSA northbound lane sa Quezon City noong Sabado.
Noong Sabado ay natengga ang mga motorista ng ilang oras sa EDSA northbound lanes sa Quezon City matapos isara ang lahat ng lanes bunsod ng construction activity para sa common station.
Tanging isang zipper lane at EDSA Carousel Bus lane ang bukas para sa mga sasakyan.
Ayon sa umiikot na kopya ng MMDA notice of violation sa social media, maghahain ng reklamo ang ahensiya para sa “obstruction causing traffic congestion.”
Pinirmahan ang notice of violation ni MMDA Assistant General Manager for Operations Assistant Secretary David Angelo Vargas.
Hindi pinangalanan ng MMDA ang nasabing kumpanya.
“Namerwisyo na ng napakaraming tao, ni pangalan ng kompanya ay ayaw banggitin ng MMDA samantalang ang riders at vendors ay huli at multa agad ng P1k dahil sumilong lang sa mga tulay para hindi mabasa ng ulan,” himutok ng isang rider.