Umalma ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa inianunsyo ng Department of Education (DepEd) na ang pagbubukas ng School Year 2023-2024 sa mga pampublikong paaralan ay sa 29 Agosto 2023.
Katuwiran ng grupo, binalewala ng DepEd ang karapatan ng mga guro na magkaroon ng sapat na pahinga at makabawi man lamang dahil ang bilang ng araw ng kanilang bakasyon ay napaigsi ng “post and pre-school-year requirements and activities.”
Kung ang makina nga ay kailangan ng pahinga, mas lalo ang mga guro na tambak na ang trabaho, may sarili pang pamilyang dapat arugain.
Sabi nga ni Vladimer Quetua, ACT Chairperson, tila nasanay na ang DepEd sa labis na pagpapatrabaho sa mga guro nang walang urgency sa pagbibigay ng nararapat na kompensasyon at ang mas nakakadismaya pa, laging delayed ang mga benepisyo.
Maituturing aniya itong pagtalikod ito ng DepEd sa karapatan ng mga guro sa sapat na pahinga, at pananamantala sa sigasig at di-matatawarang serbisyo ng mga guro para ibangon ang edukasyon.
Hindi man lang aniya inisip ng ahensya maaaring idulot ng kawalan ng sapat na pahinga sa kalidad ng edukasyon.
Kung talagang seryoso nga naman ang DepEd na makamit ang learning recovery, dapat na hindi nito isantabi ang kapakanan at kalagayan ng mga guro..
“Overworked na, undervalued at underpaid pa. Mabigat ang gawain at malaki ang inaasahan ng gobyerno mula sa mga guro, pero matagal nang kulang ang pahinga, kapos ang sweldo, at kakarampot at delayed ang mga benepisyo,” sabi ni Quetua.
Hindi natin masisisi ang ACT kung bakit pumapalag sa hindi makatuwirang patakaran ng DepEd, bahagi iyan ng kanilang karapatan sa isang demokratikong lipunan.
Sa halip na magalit sa grupo, dapat pakinggan ang kanilang mga hinaing at huwag silang ituring na ‘kaaway ng estado’ dahil lamang sila’y nagrereklamo.