BIRTHDAY ni Senator Joel Villanueva kahapon (Miyerkoles,August 2, 2023) at kahit di niya na sabihin kung pang-ilang birthday na niya, may mas maganda siyang sinabing pa-birthday para sa mga taga-Quezon City.
Sa Quezon City Hall siya nag-celebrate, at hindi siya ang niregaluhan ni Mayor Joy Belmonte. Si TesdaMan pa ang nagregalo sa mga taga-lungsod Quezon. Alam niyo ba kung ano ito?
Limampung milyong piso (P50M) lang naman ang ibinababa niya mula sa kanyang pondo. At hindi rin ito mahahawakan ni Mayor Joy, dahil rekta itong mapupunta sa sampung ospital sa lungsod, sa gabay na rin ng Department of Health (DoH), gaya ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center, East Avenue Medical Center, Quirino Memorial Hospital, National Orthopedic Hospital, National Children’s Hospital, Quezon City General Hospital, Veterans Memorial Hospital at Philippine Children’s Medical Center.
Tig-limang milyong piso ang bawat ospital na nabanggit na mailalaan sa mga nangangailangan nating mga kababayan lalo na ang mga kapos-palad.
Sabi nga ni TesdaMan, kung siya lamang ang masusunod, ililipat niya ang bilyon-bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways na ginagasta sa ‘flood control projects’.
Dangan kasi, sabi ng Senador na taga-Bulacan, ang kanyang bayan mismo sa loob ng apat na dekada niyang pamamalagi roon, taon-taon nagkalasan ang DPWH ng bilyong pisong pondo para sa flood control projects’ sa lalawigan.
Kahapon nga lang, bago raw siya pumunta sa simpleng seremonyas para sa pamamahagi ng kanyang pondo sa mga QC hospital, eh dumaan pa raw ang senador sa mga binahang lugar sa kanilang bayan para tulungan at kamustahin ang kalagayan ng kanyang mga kababayan.
Nagtataka si Senator Villanueva bakit sa dinami-dami ng flood control projects na ginawa sa kanyang lugar, eh binabaha pa rin sila?
Tama naman ang obserbasyon niya, sa tingin ko nga eh hindi sa Bulacan flood control project napunta ang pondo ng DPWH kundi posibleng sa mga bulsa ng mga opisyal ng ahensiya at sa mga ganid na mga contractor nito.
Kung susundin nga ang kagustuhan ni TesdaMan, pihadong mas marami pang maisasalbang buhay ng ating mga kababayan na nangangailangan maospital. Tunay na buhay ang maililigtas ng bilyong pondong ginugugol ng DPWH sa mga flood control projects’ kung ito ay inililipat na lamang para sa kapakanan ng kalusugan ng mga mamamayang Filipino.
Dapat nang itigil ang matagal nang gatasang mga ganitong proyekto na iilan lang ang nakikinabang at yumayaman pa.
Mabuhay ka Mr. Senator TesdaMan. Happy Birthday Sir!