Tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi ipaaaresto ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC) sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at iba, kaugnay sa patayang naganap kaugnay sa drug war na isinulong ng nakaraang administrasyon.
“Hindi. Wala silang gagawin dito eh. Wala silang kinalaman sa atin dito. At ano gagawin nila, papasukin nila tayo? Gusto ba nilang pasukin tayo bilang isang kolonya na naman? Eh tapos na yun, eh,” tugon ni Remulla sa tanong ng mga mamamahayag kung susundin ng administrasyong Marcos Jr. Ang ICC sakaling maglabas ng warrant of arrest.
“Ginawa na tayong kolonya dati ng Espanya, ginawa na tayong kolonya ng America, ginawa na tayong kolonya ng Japan nung araw. Tama na. Eh malaya tayong bansa na may sariling sistema ng batas,” dagdag niya.
Nakatakdang maglabas ng desisyon ang ICC Appeals Chamber ngayon sa apela ng Pilipinas laban sa pagpapatuloy ng IICC prosecutor’s investigation sa mga patayanng may kaugnayan sa Duterte drug war.
Nauna rito’y inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na maaaring isakdal ng ICC prosecutor ang mga akusado kung may sapat na ebidensya.
Giit ni Remulla, ang pagsakdal ay may kulay politika at dapat ipasa ng ICC ang mga ebidensya sa Philippine government kung nais nilang panagutin ang ilang indibidwal.
“Ang sinasabi ko naman, basta merong ebidensya na nakaturo sa mga taong nais nilang usigin natin ay ibigay sa atin ang ebidensya at tayo na ang bahala na habulin ang mga tao gumawa ng mga krimen sa ating bansa,” aniya.
Nanawagan si Remulla sa ICC na igalang ang soberenya ng bansa.
“May sarili tayong sistema ng batas, may sarili tayong tradition, may sarili tayong kapulisan, may sarili tayong prosecution, meron tayong korte na hindi nila pwedeng pakiaalaman o kaya balewalain. Yun po ay igalang nila ang ating sovereignty,” sabi niya.
Sa tala ng pamahalaan, may 6,200 suspects ang napaslang sa police operations habang ayon sa human rights groups, maaaring umabot ang death toll sa 12,000 hanggang 30,000.