Maaaring maharap sa kasong graft si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista dahil sa pag-endorso ng foreign-owned monitoring system na hindi sumasailalim sa Regulatory Impact Assessment (RIA) mula sa Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Isiniwalat ng source ang hindi pangkaraniwang desisyon ni Bautista na i-endorso ang Container Ledger Account (CLA) bilang alternatibo sa kontrobersyal na container deposit na ipinataw ng mga international shipping lines sa mga importer at broker.
Labag aniya ang DOTR order na ito sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sumulat ang DOTr secretary sa lahat ng shipping lines tungkol sa kautusang sumasalungat sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kanyang liham sa operations manager ng RCL Feeder Pte. Ltd., Joseph Collantes at kinatawan ng may-ari na si Jesus Sedano, sinabi ni Bautista na ang pagkaantala sa refund ng container deposits at unreturned deposits sa milyun-milyong piso ay patuloy na nagpapabigat at nagdudulot ng problema sa pananalapi.
Idinagdag niya na ang DOTr ay humihimok sa shipping lines na tanggapin ang mga sumusunod na alternatibo para sa container deposit practice sa Pilipinas.
Sa isang pulong ng gabinete, inendorso ni Bautista ang CLA kay Marcos Jr. bukod sa pag-uulat na ang Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) ay susuriin ng ARTA. Gayunpaman, nagpahayag ng hindi pagsang-ayon ang Presidente.