Hindi lang si dating Miss International Aurora Pijuan ang umalma sa pagsuot ng kasuotang Igorot ni presidential sister at Senator Imee Marcos sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Maliban sa kasuotang Igorot, ipinagmalaki ni Sen. Imee ang mga temporary katutubong tattoo sa kanyang balat, sabay sabing, “Suot ko ang buong Kordilyera.”
Ang sagot ni Kim Falyao, isang kabataang Igorot at National Coordinator ng Siklab Philippine Indigenous Youth Network, “Sen. Imee Marcos, kung may suot ka man, suot mo ang dugo ng Kordilyera!”
Naniniwala kasi ang Siklab na hindi sapat ang pagbitbit ng mga kasuotan ng Kaigorotan para pagpugayan ang makulay na kultura ng mga katutubo sa Pilipinas, lalo na kung ito ay manggagaling sa pamilyang malaki ang kasalanan sa mamamayang katutubo sa bansa.
“Bilang mga katutubo, insulto sa amin ang pagsusuot mo ng kasuotang ito lalo na at mali naman ang paggamit mo sa mga ito. Ginamit mo pa ang aming mga tattoo na sumisimbulo ng katapangan at karangalan, gayong duwag ka naman!” ayon kay Falyao.
“Duwag kang harapin ang mga kasalanan ng inyong pamilya sa hanay ng mga Igorot lalo na sa panahon ng iyong ama nang paslangin ng mga militar si Macli-ing Dulag na isang tunay na matapang at kagalang-galang na lider-Igorot na tumututol sa Chico River Basin Dam Project na proyekto ng iyong diktador na ama!” dagdag niya.
Kung talagang nasa puso niya ang Kordilyera, ang hamon kay Sen. Imee ng Siklab, makialam siya sa isyu ng katutubo lalo na at nitong ika-28 ng Abril ay dinukot sina Dexter Capuyan na isang Bontoc-Ibaloi-Kankanaey, at Bazoo De Jesus na isang IP Rights advocate; at nitong Hulyo ay itinalaga ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang apat na mga aktibistang Igorot na sina Windel Bolinget, Jennifer Awingan, Steve Tauli, at Sarah Alikes bilang terorista.
Naniniwala ang Siklab na marapat na pagbayaran ng pamilya ng senadora ang inutang na dugo at ngayon ay walang kimi ang kanyang kapatid sa kalapastangan na ginagawa ng mga militar sa katutubo at aktibista.
Ang sinseridad sa pahayag ni Sen. Imee na kaisa siya ng mga taga Kordilyera sa pagmamalaki ng kultura ng mga katutubo kung makikiisa siya sa kanilang laban sa tumataas na kaso ng paglabag sa kanilang karapatang pantao.
Mas bibilib ang sambayanan sa presidential sister kung maninindigan siya para sa mga katutubong niyuyurakan ang karapatn at inaagawan ng lupain.
Hindi nakakalimutan ng mga Pinoy kung paano tumayo si Sen. Imee para sa pagpapalabas ng critically-acclaimed movies ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP) gaya ng Himala, Oro, Plata, Mata, at Soltero habang hinahambalos ng martial law ng kanyang ama ang bansa noong 1982.
Hinihintay ng mga katutubo ang tunay na pakikipagtulungan at walang pag-aalinlanagan na pagtataguyod ni Sen. Imee sa kanilang mga adhikain, hindi lamang sa damit at tattoo.