Sinibak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawa nitong tauhan na nakatalaga sa pantalan sa Binangonan, Rizal matapos lumubog kahapon ang isang motorbanca na ikinasawi ng 26 katao.
Inihayag ito ni Philippine Coast Guard Commandant Artemio Abu sa press briefing kanina ngunit hindi niya tinukoy ang mga pangalan.
Magsasagawa ng joint investigation ang PCG at Philippine National Police (PNP) hinggil sa paglubog ng motorbanca “Aya Express” at saklaw ng pagsisiyasat ang kanilang mga tauhan, ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo sa Public Briefing sa PTV-4.
“Tuloy ang investigation na ginagawa natin sa Talim Island at makakaasa tayo na hindi natin ito-tolerate kung may pagkakamali po ang personnel ng Philippine Coast Guard,” aniya.
Matatandaan inamin ng kapitan ng Aya Express na overloaded ang kanyang bangka nang maglayag.
Ngunit napag-alaman na hindi ininspeksyon ng mga tauhan ng PCG ang bangka bago naglayag kaya’t hindi nakompirma kung totoo ang bilang ng mga pasaherong nakatala sa manifest na isinumite ng kapitan sa kanilang opisina at kung may life vest ang bawat pasahero.
Sa inisyal na imbestigasyon, may 42 seating capacity ang Aya Express pero 62 ang pasahero kahit 22 lamang ang nakalista sa passenger manifest.###