Inihain ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules ang isang resolusyon na naglalayong utusan ang Department of Foreign Affairs na dalhin ang isyu ng panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa United Nations General Assembly.
Pero hindi naging madali ang paglusot ng resolusyon sa Senado kahit pa suportado rin ito ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senador Raffy Tulfo, at Jinggoy Estrada.
Matapos kaseng ma-isponsoran sa plenaryo ang resolusyon, agad itong hinarang ni Senador Alan Peter Cayetano.
Nagbigay ng ilang mahahalagang puntos si Cayetano kung bakit kailangan munang pag usapan nang masinsinan ang nasabing resolusyon.
Ayon sa kanya, hindi lamang China ang kalaban ng Pilipinas sa pinag aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kundi pati ang Malaysia at Vietnam.
Paliwanag niya, sa oras na umalis ang China sa nasabing lugar, agad na kikilos naman ang mga nasabing bansa para angkinin ang mga teritoryo.
Dagdag niya, dapat umanong konsultahin muna ng Senado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa nasabing resolusyon.
Iginiit rin nitong mas maaring humina pa ang posisyon ng Pilipinas sa WSP sakaling hindi makuha ng Pilipinas ang sapat na boto kung idudulog ito sa UNGA.
Nagtagal ng halos dalawang oras ang debate ni Cayetano, Zubiri at Hontiveros kung ano nararapat na gawin sa paulit-ulit na pangha-harass ng China hindi lang sa mga Pilipinong mangingisda kung hindi pati na rin sa mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na nagpapatrolya sa nasabing lugar.
Sa huli, bigo si Hontiveros na maipasa ang resolusyon matapos magdesisyon si Zubiri na pag usapan pa nang husto ang resolusyon kasama sina DFA Secretary Enrique Manalo, Presidential Adviser on the West Philippine Sea Andres Centino at National Intelligence Coordinating Agency Director General Ricardo de Leon.
Pero ano nga ba ang pinaka-nararapat na solusyon sa lumalalang tensyon sa WPS?
Ayon kay Senadora Imee Marcos, kapatid ng pangulo, mas maganda umano kung reresolbahin ang isyu sa WPS sa pagitan lamang ng Pilipinas at China.
Hindi umano makakatulong kung hahayaan ang panghihimasok ng mga bansang, wala umanong kinalaman sa agawan ng teritoryo.
Dagdag ng mambabatas, malaking kahihiyan umano kung hindi mabibigo ang bansa na makakuha ng sapat na suporta sa oras na pagbotohan ng mga bansa sa UNGA ang nasabing isyu.
Pitong taon matapos ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Abitration sa The Hague, Netherlands noong 2016, masasabing mailap pa rin ang hustisya para sa mga mangingisda na napagkakaitan ng pagkakataon na maghanap-buhay.
Ang malawak at mayamang WPS, hindi lang bahagi ng karagatan o teritoryo ng mga bansa. Isa itong bukal na pinagkukuhan ng buhay ng mga Pilipino na tila api sa sarili nilang bayan.
Ano man ang kahihinatnan ng nasabing resolusyon, nawa’y maisip ng mga opisyal na gobyerno na ang kapakanan ng mga Pilipino, partikular na ng mga naninirahan malapit sa pinag aagawang teritoryo, ang dapat manaig at hindi ng mga bansang pinoprotektahan nila.