Walang planong magpakasal muli at madagdagan ang kanyang anak ang Kapuso actress na si Katrina Halili.
“Ayoko na,” sagot ni Katrina kung gusto pa niyang magkaanak ulit.
“Puro birds ako ngayon. Birds ‘yung alaga ko. Ayoko nang magka-baby, ‘di ko kaya, mahirap. Saludo na lang ako sa maraming baby,”aniya sa “Fast Talk With Boy Abunda” noong Martes
“Yung mag-asawa?” usisa ni Abunda.
“Ayoko na din. OK na ako eh, OK na po. Happy na ako, lovelife na lang,” tugon ni Katrina.
Inamin ng aktres na may karelasyon siya at tumutulong ito sa pag-aalaga sa kanyang 10-anyos na anak na si Katie.
“‘Yung boyfriend ko ‘yung mas nag-ga-guide sa akin para alagaan ‘yung anak ko. Siya ‘yung mas nagtuturo sa ‘kin kasi stubborn ako ‘di ba?” anang aktres.
“Stubborn din ‘yung anak ko so medyo mahirap kaming dalawa, so minsan nawawalan ako ng pasensya minsan, so siya ‘yung mas kalmado. So tinutulungan niya ako talaga.”
Si Katie ay anak ni Katrina sa dating boyfriend na si Kris Lawrence at ginagampanan naman nito ang obligasyon bilang ama.
Busy ang aktres sa GMA action series, “The Black Rider,” kasama sina Ruru Madrid, Kylie Padilla, Rainier Castillo, Gladys Reyes, Matteo Guidicelli, Raymart Santiago, Gary Estrada, Zoren Legaspi, Kim Perez, Luis Hontiveros,at Saviour Ramos.