Isang Linggo matapos makabalik sa Pilipinas kung saan nanggaling siya sa paglalaro sa National Basketball Association Summer League sa Las Vegas, hindi pa rin nakakapagensayo si Kai Sotto sa Gilas Pilipinas, 28 araw na lang bago magsimula ang FIBA World Cup.
Kwestyonable ang commitment ng 21-year-old, 7-foot-3 center kung saan hindi siya sumasama sa ensayo maski man lang sa light practices, maka-bonding ang mga teammates at mas maging pamilyar sa sistema ni coach Chot Reyes.
Dalawang beses pa lamang siyang sumisilip sa ensayo ng kanyang koponan, pero ni hindi pa siya nakakapag-shooting man lang kasama ang mga kakampi.
Ilang beses na ring nakapaglaro si Sotto para sa window tournaments ng Asian Qualifiers sa World Cup na hinahawakan ni Reyes at hindi magiging mahirap para sa second generation cager ang maka-pick up ng mabilisan sa ginagawa ng ating mga national team aspirants para sa pinakamalaking torneo sa larangan ng basketball.
Pero kung ang mga players na may mga kapwa iniindang injuries gaya nina naturalized player Justin Brownlee, Scottie Thompson, Roger Pogoy at Dwight Ramos ay nagagawang mag-ensayo, walang dahilan para hindi sumama si Sotto
Apat na taon nang naglalaro ng may bone spurs injury sa kanyang paa si Brownlee, pero nagawa pa rin niyang tulungan ang kanyang mga koponan na manalo ng championships at gold medal
May iniinda mang injury, nagawa pa ring tulungan ni Brownlee ang Barangay Ginebra na masungkit ang dalawang kampeonato sa Governors’ Cup noong 2019 at nitong taong ito.
Giniyahan rin ni Brownlee ang Gilas sa kanilang Redemption Tour sa Cambodia Southeast Asian Games kung saan inuwi nilang muli ang gold medal para sa Pilipinas.
Si Thompson, ang reigning Most Valuable Player ng PBA, ay nabalian ng daliri sa kanang palasingsingan, pero patuloy pa ring pumupunta sa mga ensayo Hindi man niya magamit ang kanang kamay, pilit na ginagamit ng dating star player ng University of Perpetual Help ang kanyang kaliwa, pero higit sa lahat, mas gusto ng Barangay Ginebra star ang makasalamuha ang kanyang mga teammates.
Hindi pa nakakabalik sa dating bangis si Pogoy, na nabali rin ang kanang hinliliit sa nakalipas na Governors’ Cup kung saan tinalo ng kanyang koponang TNT ang Ginebra.
Bagamat wala pa sa isang daang porsyento, laging nasa ensayo si Pogoy simula nang bumalik ang Gilas galing sa training at iba pang tune up games sa Europa at hindi alintana ang kanyang injury.
Si Ramos naman ay kababalik lang matapos masaktan ang tuhod pero hindi kinakitaan ng paginda ng sakit kahit na alam nating mayroon pa ring kirot sa nasaktang parte ng katawan.
Na-injure si Sotto sa huling laro ng Orlando Magic sa NBA Summer League noong isang Linggo at nagpa-MRI sa kanyang back spasm at sinasabi ng kanyang doctor na hindi pa siya puwedeng maglaro.Iba naman ang nakita ng mga doctors ng Gilas kung saan wala silang nakikitang mali o injury sa likod ni Sotto.
Nitong Miyerkules lang pumirma ng kontrata si Sotto, mas nauna pa ng ilang araw si NBA star Jordan Clarkson, pero bago lumagda ang batang sentro, naipaalam muna kay Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio na questionable ang commitment ng player na nagtatangkang maging unang purong Pilipino na makapaglaro sa pinakamalaki at pinakaprestihisyong liga sa mundo.
Selyado na ang kanyang paglalaro sa World Cup, pero kung kailan mag-eensayo si Sotto ay hindi pa alam ng coaching staff ng Gilas at ito ay nakakadismaya.
Pero ang pinakamalaking tanong: Gaano ba ka desido si Sotto sa kanyang paglalaro sa Gilas Pilipinas?