Malakas at mapinsala ang hagupit ng bagyong si Egay, at gaya ng iba pang mala-delubyong mga bagyong nagdaang, malakas din ang sigaw ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa mga nagsulputang dagdag problema gawa ng sangay ng nasyunal na pamahalaan.
Tumbukin natin ang hinaing ni Sablayan, Occidental Mindoro Mayor Walter “Bong” Marquez na nagsabi “habagat” pa lamang raw ay dama na nila ang perwisyo ng baha.
Ang dahilan – flood control pang nasabi, eh sang-katerbang tubig-baha ang nagpalubog sa Sablayan.
Paanong nangyari? Siyempre ang report ni Mayor ‘korupsiyon’ ang nangingibabaw na dahilan. P200 million daw ang kanyang pagkaka-alam na pondo na galing sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga pinaggagawang ‘flood control’ projects sa kanyang lugar.
Dumating na ang panahon ng habagat at kelan lang kasama silang binabat ni Egay na may dalang malakas na pag-ulan bukod sa malalakas na hangin.
Di raw napigilan ang dami ng tubig-baha na tumabon sa Sablayan. Ibig sabihin sumablay ang mga project sa Sablayan. Ang iba ay ‘di natapos, ang iba naman ay inilagay sa mga ‘di naman dadaanan ng baha.
Kung ganyan ang results, korupsiyon na nga ang pinakadahilan niyan. Gawa na lang ng gawa para may maipakita sa tao, kahit di dumaan sa konsultasyon o pag-aaral ng mga eksperto sa lugar. Bahala na naman si DPWH Secretary Bonoan sumalag sa pagsablay ng kanyang mga bata dyan sa Sablayan.
Hindi naman kasalanan ni Mayor na maging katunog ng pangalan ng kanyang lugar ang mga sablay na diskarte ng mga taga-DPWH sa Sablayan.
Ang malaking may kasalanan ay korupsiyon na ngayon ay talagang lumala. Kung dati bente porsiyento lang ang naibubulsa at ang otsenta ay sa proyekto na, ngayon ay tila baligtad na, kaya nalubog ang Sablayan sa sablay na flood control project.
Palagay mo Sec.?