Hindi nakinig ang pamahalaang Marcos Jr. sa hirit ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na umento sa sahod sa kabila ng matinding hagupit ng inflation at pagbaba ng tunay na halaga ng suweldo.
Mahigit isang taon na sa poder ang administrasyon , saka pa lamang dinagdagan ng Php40 ang sahod sa National Capital Region (NCR), pero sa ibang rehiyon walang umento ni isang kusing sa suweldo ng obrero.
Ang Php40 ay napakalayo sa petisyon ng mga manggagawa na Php750 minimum wage at panukalang Php1,100 wage hike sa Kongreso.
Ang Php610 minimum ay napakalayo sa family living wage (FLW) na Php1,163 , ang halagang kailangan ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay ng disente, ayon sa Ibon Foundation.
Anang grupo, kahit Php13,420 na ang buwanang sahod sa Metro Manila, hindi pa rin ito aabot sa povery threshold o pamantayan ng kahirapan sa NCR.
Talaga namang makunat ang administrasyong Marcos Jr. kung sa pagkakaloob ng wage hike ang pag-uusapan, sa unang taon nito’y isang rehiyon lang (NCR) ang ibang rehiyon ay nganga pa rin sa inaasam na dagdag suweldo.
Samantalang sa unang taon ni Arroyo ay 9 ang wage hike, 17 kay Aquino III, at 11 sa panahon ni Duterte.
Sa kabila ng pagyayabang ng economic managers ng kasalukuyang administrasyon na bumaba ang tantos ng unemployment sa 4.5% noong Abril 2023, pangalawa pa rin ang Pilipinas sa Timog Silangang Asya sa kawalan ng trabaho.
Ngunit binilang pala ng gobyerno pati ang informal workers bilang employed, ang totoo, sa bawat 10 ini-report na may trabaho, 8 ay part-time lang.
“Mula Hunyo 2022 hanggang Abril 2023 ay 4.5 milyon ang nabawas sa full-time na manggagawa, habang 5.5 milyon naman ang nadagdag na part-time,” sabi sa praymer ng Ibon na “Ang Budol ng Taon” hinggil sa unang taon sa poder at ikalawang SONA ni Marcos Jr.
Lahat ay nakatutok sa ikalawang SONA ni Marcos Jr. bukas, ang sektor ng paggawa ay nag-aasam na mabigyan ng Pangulo ng pansin ang kanilang abang kalagayan.
Umaasa ang mga obrero na tutuparin ni Marcos Jr. ang kanyang Labor Day message, “Rest assured that this administration is working conscientiously to provide opportunities that will uplift the living and social conditions of our workers and their families.”