Pinasinayaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kanilang proyekto na “Kilo/s Kyusi: Kilo Store ng Bayan, Tulong para sa Kinabukasan” na ipinuwesto sa lobby ng high rise building ng city hall noong Lunes.
Parang ‘ukay-ukay’ ito na may ‘twist’ ika nga. Mabibili mo rito ang sari-saring items na slightly used na mga personal na gamit gaya ng damit, sapatos, bags atbp. at ipapakilo mo ito upang malaman ang kabuuan ng iyong mga nabili.
Personal, dahil sa mga kilalang personalidad din galing ang mga ibinebenta rito. Ito ay mga donasyon ng mga kilalang opisyal ng lokal na pamahalaan ni Belmonte. Ang maganda rito, henyo talaga itong Mayor ng QC, dahil ang kikitain dito ay mapupunta sa ‘tutoring program’ para sa mga batang nasa elementarya sa mga public school ng siyudad.
Sabi ni Belmonte, kailangan ng ibang mag-aaral ang tutoring o alalay upang lalong matutong magbasa at sa araling Math. Dahil kanilang napag-alaman, maraming mga bata na kahit nasa paaralan ay hirap pa ring makapagbasa at magkuwenta, so kailangan ng mga tutor gaya ng ginagawa natin sa ating mga anak, kung napapansin nating mahina ang “pick-up” sa kanyang mga aralin.
Siyempre, magbabayad tayo ng tutor. At ganun din ang QC kung nais nitong ituloy ang tutoring program. Kaya ginawa ni Mayor Joy ang project na ito.
Alam niyo bang ipinattern ito ni Mayora sa kanyang nasaksihang proyekto nang sila ay pumunta sa Paris para sa isang opisyal at ‘educational tour.’
Kaya naman, ibinahagi niya ang ideya sa mga miyembro ng Quezon City Council, Small Business and Cooperatives Development Department (SBCDPO), at Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD).
Nagsama-sama ang mga ito upang malikom ang mga gamit na ‘di na nila kailangan at I-donate na lamang sa proyekto para makatulong.
Ang mga ‘de primerang’ mga ‘gown’ naman ay isinubasta. Pataasan ng turing para mapasa-kanya ang magandang damit. Sa ganitong paraan, lalong tataas ang halaga ng malilikom na pondo para sa tutoring program. Oh di ba, talagang henyo si Mayor Joy.
Kaya kung wala naman kayong gagawin, hanggang sa Biyernes na lamang ang mala ukay-ukay na project na ito.
Pumasyal na kayo at baka makatsamba pa ng mga tinatawag na signature clothes. Pwede rin kayo magdala ng maido-donate na mga pambentang gamit. Nakatulong pa kayo.