Pinutakte ng bashers ang Philippine Coast Guard sa maluhong pagbili nito ng “luxury vehicle” noong 2022 na may sumatotal na P7.8 million.
Nadiskubre ng Commission on Audit sa report nito sa ahensya na ang biniling P4.99 million na Toyota Land Cruiser Prado ay ginastusan pa ng P2.80 million para sa pagpapa-bullet proof.
Resbak ng netizens, kapalmuks daw ang PCG at dapat din anilang maimbestigahan ito ng Ombudsman at maiakyat sa Sandiganbayan.
Bukod pa sa sosyal na SUV, nadiskubre din ng state auditors na marami pang sasakyang binili ang PCG, kabilang na ang 31 brand new Isuzu MUX LS-A 4×2 na nagkakahalagang P58.9 milyon.
“Puwede namang Toyota Fortuner,” anang isang netizen.
“Si commandant naka luxury vehicle samantalang ‘yong mga nag-iikot sa coastal areas naka single na motor at nasa initan,” say naman ng isa.
Lumabas sa audit na ang pondong ginamit sa pagbili ng Toyota Land Cruiser Prado at ng iba pang sasakyan ay mula sa fuel rebates ng ahensya sa Petron Corporation.
Ang isyu, hindi ito aprubado ng Department of Budget and Management. Malala pa, binypass nito ang order ng Malacañang (Administrative Order No. 14).
Noong Disyembre 2018, inisyu ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang AO No. 14, na nagbabawal sa lahat ng ahensya ng gobyerno na kumuha at gumamit ng mga luxury vehicle para sa kanilang operasyon.
Ngunit depensa ng PCG, kailangan nila sa operasyon ang Toyota Land Cruiser Prado upang matiyak ang “ligtas na transportasyon ng Komandante at upang mapanatili ang mga tungkulin ng PCG.”
Dinahilan din nito na “ang pagkuha ng mga sasakyan sa pamamagitan ng mga rebate ay isang pagkakataon para sa PCG na palakasin ang Command upang maging mas tumutugon sa mga hamon na nag-uudyok sa organisasyon.”
Gayunpaman, hindi ito lumusot sa CoA at sinabing dapat makakuha ito ng post facto approval mula sa DBM alinsunod sa AO No. 14 s. 2018 at dapat isumite ito sa Opisina ng Auditor.