MALAPIT nang magwakas ang hilig na pagkakalat ng tsismis ng mga “Marites” sa kanilang trabaho.
Ito’y kapag naipasa ang panukalang batas na House Bill 8446 o Anti-Bullying in the Workplace Act na inihain ng ACT-CIS partylist.
Nakasaad sa HB 8446, ipinagbabawal ang pagkakalat ng tsismis o maling impormasyon hinggil sa kanilang mga katrabaho sa gobyerno man o sa pribadong sektor.
Kasama rin sa hindi na ubrang gawin sa work place ang “unwanted physical contact, paggamit ng mapanakit na salita, name calling, credit-grabbing, gender-based bullying at pananakot ng boss sa mga empleyado.”
Papatawan ng disciplinary action ang lalabag sa naturang batas.
Nakasaad sa HB 8446 na dapat gumawa ang employer ng reporting system kaugnay sa mga biktima ng office bullying at kapag napatunayang hindi inaksyunan ang reklamo ng empleyado, maaaring maharap sa administrative sanction ang government office at sususpendihin naman ang business permit ng pribadong kompanya.