Aminado ang beauty queen na si Rabiya Mateo na hindi pa rin tapos ang paghahanap niya sa kanyang ama at ayon sa dalaga ay hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na isang araw ay magkikita at makakaharap din niya ang tatay niyang Indian-American.
Paliwanag ng dalaga, iniwan sila ng kanyang inang Ilongga na si Christine Occeña, noong limang taong gulang pa lamang siya.
Inamin rin ni Rabiya na isa sa mga dahilan ng pagsali niya sa Miss Universe Philippines noong 2020 ay para magkaroon siya ng pagkakataon na mahanap ang ama. Umaasa kasi siya na kapag lumaban siya sa Miss Universe ay mas mapapadali ang paghahanap niya rito.
Ngunit makalipas ang tatlong taon, bigo pa rin siya sa kanyang misyon, pero kahit ganoon ay nararamdaman ni Rabiya na darating pa rin ang araw na magkikita sila.
Ang plano ng dalaga, baka raw pumunta uli siya sa Amerika sa darating na November kasama ang boyfriend na si Jeric Gonzales para muling ipagpatuloy ang kanyang misyon na mahanap ang kanyang tatay.
“Ang alam ko nasa US po siya, last state niya was Chicago. I tried to look for him, even yung mga kasing-last name niya na taga-Chicago mine-message ko. Pero sad ending talaga palagi. Like, they don’t know my dad. But in my heart I can feel na I’m gonna see him,” sabi ni Rabiya.
Binalikan din niya ang panahon nang tangkain niyang hanapin sa US ang ama kasabay ng paglaban niya sa Miss Universe pageant.
“Pero during that time, iba yung priority, like meet and greet, compete. Yung mindset nasa competition dapat, I have to win. And nu’ng kailangan ko nang umuwi, wala namang tsansa na kasi wala nang oras. So, siguro ngayon na I have the resources na, gusto kong maglaan po sana ng at least one month to be there and to look for him,” saad ng dalaga.