Inamin ng dalawang kasambahay sa National Bureau of Investigation (NBI) na sila umano ang pumatay at nagnakaw sa kanilang amo sa Parañaque noong nakaraang buwan.
Nag-ugat ang krimen nang matagpuan noong Mayo 4 ang duguang bangkay ng 85 anyos na si Noemi Dacuycuy sa Parañaque. Ninakaw din umano ang kaniyang ATM card.
Nakulong at kinasuhan ng Parañaque police ang isang lalaking kasambahay ng biktima matapos tumestigo ang dalawang iba pang kasambahay laban sa kaniya.
Pero makalipas ang higit isang buwan, nakuhanan ng CCTV ang dalawang kasambahay na nag-withdraw ng pera sa bangko ng biktima gamit ang ninakaw na ATM card.
Nang ipatawag ang dalawa, umamin sila sa krimen, na nagawa umano nila dahil gipit sa pera. Inamin din umano nilang pinalabas nilang ang lalaking kasambahay ang suspek sa insidente.
Nabatid din ng mga awtoridad na dati nang ninakaw ng mga suspek ang alahas ng biktima pero pinatawad sila.
Kinasuhan ng NBI ng robbery with homicide ang dalawang kasambahay. Gusto naman umano ng pamilya ng biktimang makalaya ang nakulong na boy.
“Makikipag-ugnyaan tayo sa [Philippine National Police] para i-withdraw ang na-file na kaso sa boy na walang kasalanan,” saad ni Jerome Bomediano, hepe ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division.
Ayon sa hepe ng Parañaque police, handa silang makipagtulungan sa NBI.