Isang magandang balita ngayon ang hatid para sa ating mga overseas Filipino workers dahil kinumpirma nang kasama ang mga ito sa programang Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), layunin umano nitong mabigyan ng abot-kayang pabahay ang mga kwalipikafong OFW sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi naman ni DMW Assistant Secretary for Reintegration Venecio Legaspi na kwalipikado sa programa ang mga kasalukuyan at dating OFW.
Dagdag pa niya, mas maganda umano kung sila ay miyembro rin ng Home Mutual Development Fund o Pag-IBIG Fund.
Ang isa pang magandang balita ay mas mura umano ang babayaran ng mga OFW sa ilalim ng 4PH kumpara sa iba pang loan.
“Kung ang isang 25-27 square meter ay magko-cost ng around P4.5-P5 million, dito ay nasa around P1.6 o 1.7 million. So more than almost double ang kababaan ng pabahay na ito,” saad ni Legaspi.
Hindi maikakailang isa talagang napakagandang balita nito para sa ating mga OFWs na itinuturing na bagong bayani ng ating bansa.
Talaga namang isa itong bagong pag-asa para sa ating mga kababayan na nagtitiis, naghihirap at nawawalay sa kanilang mga mahal sa buhay upang magtrabaho sa ibang bansa.
Sana nga ay masuklian natin ang kanilang paghihirap dahil hindi lamang ang kanilang pamilya ang kanilang tinutulungan dahil maging ang ekonomiya ng bansa ay nakikinabang rin sa kanilang mga kinikita.