Mukhang hanggang ngayon ay single pa rin ang aktres na si Alexa Ilacad dahil sa mga naging pahayag nila ng kanyang ka-loveteam na si KD Estrada, pero aminado ang dalawa na nasa “courting” stage pa lang sila.
Sa guesting nina Alexa at KD sa Kapamilya morning talkshow na “Magandang Buhay”, natanong nga ang young actress kung nanliligaw na nga sa kanya ang binata.
Tumingin muna si Alexa kay KD sabay sabing, “I’m assuming, “no?” Na agad namang sinagot ng aktor, “Oo, oo!”
Sa ngayon daw ay patuloy pa rin nilang kinikilala ang isa’t isa at ine-enjoy lang nila kung anuman ang meron sila ngayon. Dagdag pa ni Alexa, hindi rin naman daw sila nagmamadaling pumasok sa seryosohang relasyon.
“Very long time because why the rush?” sabi ng dalaga.
Samantala, nabanggit din ni Alexa na botong-boto naman ang kanyang pamilya kay KD kaya wala siyang nakikitang problema sa kanilang relasyon ngayon. Nagtitiwala rin daw ang kanyang magulang sa ka-loveteam.
Matatandaang nagsimulang maging close ang dalawa matapos silang maging celebrity housemates sa “Pinoy Big Brother: Kumunity.”