Tila nabigyang pansin ngayon ang kasong “perjury” or pagsisinungaling na parang balewala lang at ginagawang palusot ng mga nagtatago ng katotohanan sa mga pagdinig sa Senado, sa Kongreso at maging sa korte rin.
Ito ba ay dahil sa maliit o mababa lamang ang parusa kaya puwede nang hayaan kahit pa under oath?
Sang-ayon ako kung lalagyan ng pangil ang batas laban sa mga sinungaling at kitang-kita naman ng taong bayan sa mga ginaganap ng public hearing — sa kasong 990 kilo ng shabu na involve mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Kitang-kita naman ng taong bayan kung paano magtahi-tahi ng kuwento o kasinungalingan, pero hindi maikubli ang mga tono at klase nang pananalita para lamang igiit na tama ang mali.
Ang perjury sa kasalukuyan ay mayroon lamang na parusa ng six months na pagkakakulong, pero kung isusulong ang panukala ay magiging 10 years na daw ito.
Tingnan na lang natin kung papasa ang mungkahing batas.
*****
Nito lamang nakaraang linggo ay may lumapit sa inyong lingkod para humingi ng tulong dahil na-impound ang sasakyan – isang closed van na ginagamit ng aking pamangkin.
Mula Malolos ay naharimuhan siyang magsakay ng mga pa-Maynila upang makatipid na rin sa pang-gasolina niya sa pagbalik pero minalas siya at nahuli sa kasong kolorum sa EDSA.
Alam niyo ba kung magkano ang penalty? P6,000 ang babayaran, ngunit hindi ito ang masakit, i-impound ang sasakyan hanggang tatlong buwan bago ito i-release, kaya wow!
Tila hindi nagbibiro ang MMDA sa hakbang na ito na pinaiiral ni MMDA chairperson Don Artes, pero sa kabilang dako, dahil sawang-sawa na ang ahensiya sa kahuhuli dahil bumabalik at bumabalik pa rin, dahil na rin siguro mahirap ang buhay at mahirap kumita ng pera, lalo na kung parehas.
Kaya yung nais kong matulungan ay naging sawi ako, at tama naman, lumugar lang sa tama, lahat pantay-pantay.
Kaya mga kaibigan, esep-esep muna bago pumasok sa negosyong pang-transportasyon dahil kung hulugan at mahuli kayo, ang sakit, puwera pa yung penalty, kaya siguruhin niyong legal sasakyan ninyo at kumuha ng linya sa LTFRB para walang hassle.
Hanggang sa muli!