May mga maliliit na negosyo sa Maynila ang humihingi ngayon ng tulong sa lokal na pamahalaan dahil umano sa mga “biglaang-singil” na buwis umano na ipapataw sa mga negosyong ito.
Ayon sa aking impormante, may liham na kumakalat daw ngayon sa Sampaloc na ibinibigay sa mga negosyante dito na parang may panakot pang ipapasara ang kanilang mga negosyo kung hindi nila mababayaran ang buwis.
Nagulat nga ang mga munting sari-sari store, tindahan ng ulam at mga modista nang katukin sila ng mga umano’y sugo ng City Hall upang ipagbigay-alam sa kanila na mayroon pa silang babayarang buwis para sa kanilang hanapbuhay.
Humihingi umano ang Manila LGU ang mga barangay ng listahan ng mga negosyo sa kanilang nasasakupan, kung saan pinadalhan naman sila isa-isa ng liham kaya talagang tensiyonado na sila.
Umaabot umano sa P6,000 hanggang P14,000 ang biglaang-singil ng pinadalang “demand letter’ ng City Hall, kaya hilong-talilong ang mga apektado na halos hindi naman kumikita ng malaki at mga tindahan na wala pa yatang P3,000 ang laman na stock na paninda.
Sa aking panayam sa mga ito, payag naman silang marehistro at magkaroon ng business permit ngunit hindi ito tiyak na papasa sa mga standard ng pagnenegosyo na kakailanganin magkaroon ng lisensya at tila tanging barangay permit lang papasok po sa criteria ng isang ganap na “business establishment.”
Hiling lang po nila bigayan sila ng panahon na mapakingggan ang mga maliliit na hiling at payag naman sila magpa-rehistro kung talagang kakailanganin.
Malinaw ang kautusan ni Mayor Honey Lacuna na nagaatas ng pagsusuot ng mask sa Manila City compound at mga iba pa nitong satellite offices upang proteksyon na rin lahat dahil nakakabahala na umano ang pagtaas ng bilang ng mga Covid-19 cases.
Sabi nga ng mga kaibigan natin sa City Hall, tama naman ang panawagan na mag-ingat sa ating mga kalusugan dahil mas malaking perwisyo sakaling magpatupad na naman ng lockdown, sarado lahat ang negosyo at trabaho, at tigil ang normal na buhay nating lahat.
Alam naman natin na ang aktibong kumukontra sa lahat ng proyekto ng kasalukuyang administrasyon ni Lacuna ay ang pangkat ng mga talunan sa nakaraang eleksyon, kaya siguro konti pa lang ang naniniwala sa grupo na iyon, pero sa isang panig ay hindi dapat balewalain.
Siguro naman, mas maalam ang kasalukuyan adminstrasyon kaugnay sa pag-iingat sa COVID-19 dahil ang iba sa kanila ay mga medical professionals, kaya dapat lang ay magtiwala at sumunod, magsuot ng mask, palaging maghugas ng kamay, umiwas sa kumpulan ng tao at kung may sintomas ay magpa-testing para iwas na rin mahawaan ang ating mga pamilya at magpa-booster sa ating 44 health centers.
Hanggang sa susunod na kabanata mga dear readers.