Nitong nakaraan ay naibalitang banned pansamantala ang mga Pinoy na nais magtrabaho sa bansang Kuwait dahil sa isang hindi umano pagtupad ng Pilipinas sa naging kasunduan nila ng Kuwait.
Siyempre, maraming mga overseas Filipino workers na papuntang Kuwait ang naapektuhan at nangangamba sila ngayon kung paano na sila makakabalik pa sa nasabing bansa upang makapagtrabaho.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang Department of Migrant Workers sa pamahalaan ng Kuwait kung paano ang gagawin, pero maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi pabor na magpatupad ng total deployment ban laban sa Kuwait.
Ayon kay Marcos, patuloy siyang makikipagnegosasyon sa Kuwait para resolbahin ang isyu ng dalawang bansa.
“I’m never very comfortable ‘yung nagba-ban na ganun dahil parang ang pag-ban sinasabi mo forever na ‘yan, hindi na puwede… Sometimes, overreaction yung ban. Basta’t ban lang tayo nang ban, hindi naman tama,” saad ni Marcos.
“Ang naging problema natin, tayo ang binan [ban] ng Kuwait, at ayaw na magpa-issue ng mga bagong visa. Hindi kami nagkakasundo dahil sinasabi nila may paglalabag daw tayo sa kanilang rules, wala naman kaming nakikita, kaya’t ‘yan ang naging situation,” dagdag ng Pangulo.
“But you know I don’t want to burn any bridges… We have to react to the situation as it is and I think the proper reaction is to take the decision of the Kuwaiti government to no longer issue new visas,” sabi pa niya.
Para kay Marcos, walang magagawa ang pamahalaan ng Pilipinas tungkol sa patakaran na ipinatutupad ng pamahalaan ng Kuwait.
“We will just leave that issue open and hopefully, we will continue to negotiate with them, we will continue to consult with them at baka sakali down the road magbago ang sitwasyon, maibalik ngayon ang ating mga workers, lalo na ‘yung mga nabitin, there are about 800 na papunta na dapat sa Kuwait ay hindi na nakapunta dahil nga dito sa bagong ban,” sabi ni Marcos.
“So hopefully, down the road, we will continue to work to improve that situation,” dagdag niya.
Sana nga ay maging maayos pa ang relasyon ng Kuwait at ng Pilipinas.