Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na pito katao ang naiulat na nasugatan matapos lamunin ng apoy ang Manila Central Post Office at kabilang umano sa mga nasaktan ang limang bumbero, isang volunteer at isang sibilyan.
Sinabi din ng BFP na tinatayang aabot sa halos P300 million ang halaga ng mga naging pinsala dahil sa nangyari.
Magugunitang idineklarang nasa unang alarma ang nangyaring sunog nitong Linggo, May 21, 11:41 p.m. pero nagpatuloy ang paglaki ng apoy na kung saan ay umabot na ito ng pinakamataas na alarma Lunes ng madaling araw.
Bandang 7:22 a.m. na lamang nang makontrol ng mga bumbero ang apoy at tuluyan itong naapula.
Hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog sa nasabing post office sa Maynila.
“Mga highly flammable po ‘yong mga gamit sa loob so mabilis talagang kumalat… Totally burned po lahat ‘yong ating mga structure po natin so talagang nakakalungkot,” sabi ni Chief Supt. Nahum Tarroza, direktor ng Bureau of Fire Protection sa National Capital Region.
Umabot sa general alarm ang sunog, ang pinakamataas na alarma kung saan lahat ng bakanteng fire truck sa Metro Manila at kalapit na lugar ay kinailangan nang rumesponde.
Samantala, ililipat muna sa ilang pasilidad ang operasyon ng Manila Central Post Office matapos masunog ang makasaysayang gusali nitong umaga ng Lunes.
Ayon kay Philippine Postal Corporation (PHLPost) Post Master General and CEO Luis Carlos na ire-relocate muna sa mail distribution center sa Delpan ang operasyon ng post office habang pansamantalang magsisilbing business mail service para sa mga pribadong kompanya ang central mail exchange sa Ninoy Aquino International Airport.
Plano naman aniya ng PHLPost na magpuwesto ng mail acceptance areas sa iba-ibang lugar sa lungsod ng Maynila para tumanggap ng mga sulat at parcel.
Nilinaw ni Carlos na tanging mail service ng Maynila ang naapektuhan ng sunog at hindi ang mail service system ng bansa.
Naka-cloud storage din aniya ang mga record ng post office kaya walang inaasahang files at dokumento na nadamay sa sunog.
“We’re fixing already where the Manila Central Post Office (will resume operation). We have an area already,” sabi ni Carlos.
“We have an old building beside the main building, we’re fixing it now, other offices will stay here. There’s also building at the back, it used to be a canteen at the ground floor and we’re using that as part of the offices ng corporate namin,” dagdag niya.
Nilinaw naman ni Carlos na sakop ng insurance ng Government Service Insurance System (GSIS) ang gusali kaya inaasahang mababayaran sila para mapaayos muli ang gusali.
“The whole buiding is insured by GSIS and you know it’s [a] historical building so we’ll have to study and investigate how the structure will hold,” sabi ni Carlos.