Iniulat ng mga otoridad sa Eastern Samar na dalawang mag-aaral ang nasawi habang nasa 10 naman ang nasugatan matapos silang araruhin ng isang pick-up truck habang naglalakad sila sa gilid ng kalsada sa Salcedo, Eastern Samar.
Ayon sa ulat, sinabing pauwi na ang mga estudyante ng Salcedo Vocational High School nang mangyari ang insidente noong Miyerkules sa Barangay Naparaan.
Sinabi naman ng pulisya na umamin ang driver ng sasakyan na nakatulog umano siya. Kinilala ang driver ng pick-up na si Manuel Waniwan.
Ayon naman sa Department of Education Eastern Samar Division, nasa edad 17 hanggang 19 ang mga biktima.
Sinampahan si Waniwan ng mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide and multiple serious physical injuries.
Samantala, natimbog ang isang lalaki matapos pumasok sa isang paaralan sa Maynila at makunan sa CCTV na ninanakaw ang cellphone at gadget ng isang estudyante. Ang suspek, napag-alamang nakapasok at nagnakaw na rin sa tatlo pang pribadong unibersidad ng lungsod.
Ayon sa pulisya, mapapanood umano sa kuha ng CCTV na abala ang ilang mag-aaral sa kanilang klase sa physical education kaya iniwan muna nila ang kanilang mga gamit sa ibabaw ng mesa.
Ilang saglit pa, isang lalaki na nakaputing T-shirt at sling bag ang lumapit, tumingin-tingin sa paligid, bago pasimpleng sinipa ang isang cellphone palapit sa kaniya.
Agad niya itong pinulot at isinuksok sa sling bag.
Bumalik ang lalaki sa mesa at mabilis na kinuha ang isang tablet, na kaniyang ipinasok sa bag, saka siya umalis na tila walang nangyari.
Pagkabalik ng estudyante sa mesa, napansin niyang nawawala ang kaniyang mga gadget.
Nang suriin ang CCTV, nakita ang lalaki na isa palang outsider, at iniulat siya sa pulisya.
Nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Raymond Azaña, 30-anyos, makalipas ang mahigit dalawang linggo.
Lumabas sa imbestigasyon na may patong-patong nang reklamo laban kay Azaña, kung saan nakapambiktima na siya ng iba pang estudyante sa tatlong private universities sa Maynila.