Ang ating mga overseas Filipino workers ang isa sa mga kinikilala ngayong mga bagong bayani ng bayan dahil sa kanilang kontribusyon sa ating lipunan kung saan isinasakripisyo nila ang kanilang mga sarili para sa kapakanan ng kanilang pamilya at para sa progreso ng bansa.
Pero ngayon, may nakaambang panibagong hirap na naman ang haharapin ng ating mga OFW lalo sa Kuwait, dahil nitong nakaraan ay inanunsyo na pansamantala umanong itinigil ng Kuwaiti government ang pagbibigay ng visa sa mga Filipino.
Ang anunsyo ay nanggaling umano sa Kuwaiti Interior Ministry, dahil may nilabag daw ang Philippine government sa bilateral agreement ng dalawang bansa.
Wala namang ibigay na detalye tungkol sa sinasabing paglabag na ginawa ng panig ng Pilipinas.
Nitong nakaraang Pebrero, nagpatupad ng deployment ban sa mga first time domestic workers sa Kuwait ang Department of Migrant Workers (DMW) kasunod ng brutal na pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) Julleebee Ranara, at iba pang insidente ng pagmamaltrato sa mga OFW
Suspek sa pagpatay kay Ranara ang anak ng kaniyang amo.
Inihayag naman ng DMW na wala pa silang pormal na komunikasyon na nakukuha mula sa Kuwait tungkol sa nasabing pagpapatigil ng pagbibigay ng visa sa mga Pinoy.
Bukod pa diyan, patuloy pa rin ang problema sa human trafficking at nitong nakaraan din ay umabot na sa 210 Filipino na biktima ng human trafficking mula sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia ang naiuwi na sa Pilipinas.
“So far po nakapagpauwi na po tayo ng 210 na mga kababayan natin from Cambodia, Laos, at Myanmar na naging biktima ng illegal trafficking,” sabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Paul Cortes.
Sana lamang ay magkaroon pa ng mas matitibay na batas at probisyon na popotrekta sa ating mga OFW dahil hindi biro ang kanilang sinusuong makapagbigay lamang ng maayos na buhay para sa kanilang pamilya.