Iniulat ng mga otoridad nitong Huwebes na nasa 55 na estudyante ng Mirab Elementary School sa bayan ng Upi, Maguindanao del Norte ang isinugod sa ospital matapos umanong makalanghap ng pesticide.
Ayon sa mga nakalap na ulat, napag-alamang nakalanghap ng matapang na chemical ang mga bata habang nagsasagawa ng gardening activity at matapos noon ay may mga nawalan ng malay, nagsuka at nahilo.
Base sa ulat ay 23 ang naka-confine, at 32 ang under observation.
Ayon naman sa Integrated Provincial Healt Office, may nag-spray umano ng pesticide sa kalapit na taniman.
Nasa maayos na nakalagayan ang mga estudyante at nakalabas na sa ospital ang ilan sa kanila, ayon sa ulat.
Pinaalalahanan umano ng lokal na pamahalaan ang mga may taniaman sa lugar na huwag
mag-spray ng pesticide kapag may klase sa naturang paaralan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Samantala, arestado ang isang suspek sa pagbibenta ng umano’y iligal na droga, at apat na iba pa sa isang buy-bust operation sa Quezon City.
Ayon sa pulisya, nangyari ang buy-bust operation sa Barangay Bahay Toro at naaresto ang nagbibenta ng droga na si Fernando Ragasa, at apat na iba pang naaktuhang gumagamit o bumibili ng droga sa suspek.
Nasabat ng mga awtoridad mula sa mga hinuli ang nasa walong gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P54,000.
Pahayag ni Police Capt. Virgilio Mendoza, hepe ng QCPD Police Station 15 Intel Investigation Section, “Merong confidential informant na
nag-report sa ating himpilan na merong talamak na bentahan doon sa lugar. Nang ma-validate ang info, agad tayong nagkasa ng operation.”
Umamin si Ragasa na maynakuha sa kanya na droga, pero hindi raw siya nagbebenta.