Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na hihigpitan na umano at hindi na basta-basta mag-a-assign ang PNP ng kanilang tauhan sa mga drug operations unit at magkakaroon na rin nang mas mahigpit na vetting process sa mga isasabak sa drug operations base na rin sa utos ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr.
“’Yung ating vetting process sa PNP personnel na ma-a-assign sa drug enforcement unit, national headquarters down to stations unit, ay mas lalo paiigtingin ngayon para maiwasan ‘yung nangyari previously na may mga ilan na derogatory records and in fact some of them were identified already at nakabalik sa drug enforcement unit at ‘yun naman po ay iiwasan natin kaya mas lalong mahigpit vetting process ngayon,” ayon kay PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo.
“’Yung background investigation ay mas lalong paiigtingin at field commanders na mag conduct ng background investigation ay pipirma sila na sila mismo ang nag background check at hindi basta inutos ito,” dagdag niya.
Bago i-assign sa drug operations unit, kailangan munang sumailalim sa mahigpit na background investigation ang isang pulis.
Gagawin ito ng commander o ng mismong pinuno ng opisina at pipirma bilang patunay na nasalang mabuti ang PNP personnel.
Kung kalaunan at makita na may problema ang PNP personnel ay pananagutin ang mismong nagsawa ng background investigation sa kanya.
Paliwanag pa ni Fajardo, minsan kasi ay nakakalusot ang mga tauhan ng PNP at nailalagay pa sa anti-drugs operation kahit na may kaso kaugnay sa iligal na droga.
“Ang magiging liability po ng mga field commanders ay mabigat po. Kung sila gumawa mismo ng tungkulin na dapat gampanan eventually ay may involve na pulis natin sa mga particulary illegal drugs least maisampa sa kanila serious neglect of duty … penalty maaaring ma-dismiss sa serbisyo,” sabi ni Fajardo.
“So, ganun kabigat ang iaatang nating responsibilidad sa magko-conduct ng mga background investigation particulary sa mga pulis na assigned sa drug enforcement unit natin,” dagdag niya.
Pinag-aaralan din ng PNP na payagan na ma-assign ang isang pulis sa drug enforcement unit hanggang sa loob lamang ng limang taon.
“For also career advancement on their part para hindi lamang sa anti-illegal drugs units sila assign. Kundi ma-assign din sila sa ibang operations unit para ma-assign din sila sa iba pang trabaho ng PNP,” sabi pa ni Fajardo.
Ang mga pulis na naka-assign naman ngayon sa drug operations unit ay sasalang din sa background investigation.