Inihayag ng mga otoridad na napatay umano nitong Miyerkules ang isa sa mga suspek sa likod ng pag-ambush kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr., sabi ng mga awtoridad ngayong Biyernes.
Napatay sa operasyon ng militar at pulis ang suspek na si Oscar Gandawali – na itinuturong utak sa pag-ambush kay Adiong — matapos umano nitong paputukan ang mga awtoridad habang inihahain ang warrant of arrest sa kaniya sa Barangay Pilimoknan, Maguing, Lanao del Sur.
Isang sundalo ang nasugatan at nagpapagaling sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City.
Nakuha sa suspek ang 9mm at 22mm na pistol at umano’y shabu.
Matatandaang in-ambush nitong Pebrero ang convoy ni Adiong, pero nakaligtas ang gobernador na nagtamo ng gunshot wounds.
Apat ang namatay dahil sa ambush.
Kanang kamay si Gandawali ni Lomala Baratamo Mandoc, ang umano’y lider sa pag-ambush kay Adiong, sabi ni Brigadier General Yegor Barroquillo, commander ng 103rd Infantry Brigade.
Si Gandawali rin umano ang ang pangunahing suspek sa pag-ambush sa PDEA agents sa Lanao del Sur kung saan 5 ang namatay.
“We are now running after the last lawless element who perpetuated the ambush of Governor Adiong. Isa na lang kaya we’ll be able to catch this person, of course with the help of the people,” saad ni Lieutenant General Romeo Brawner.