Ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang isa sa mga pangunahing commodity ang patuloy pa ring tumataas ang presyo ng asukal na isa sa mga kinakailangan ng karamihan sa kanilang mga negosyo.
At nitong nakaraan nga lamang ay ipinabubusisi na ng dating pinuno ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na si Rafael Coscolluela ang umano’y P136 kada kilong presyo ng asukal sa ilang pamilihan.
Paliwanag ni Coscolluela, hindi katanggap-tanggap ang naturang presyo, lalo’t ang mill gate price ng asukal ay nasa P 3,200-3,300 lang kada bag, na katumbas ng P85-90 lang dapat kada kilo.
Sabi pa niya, dapat ipaliwanag ng SRA at ng Department of Trade and Industry kung bakit umaabot nang P136 gayong pumasok na ang mga imported sugar na dapat sana ay magpapababa ng presyo nito sa merkado.
“Mukhang may nagpo-profiteering dyan,” sabi pa ni Coscolluela.
“Saan na ba pumunta yung imported sugar? As of latest report, out of the 179,000 tons yata na pumasok na, yung nabigyan ng clearance ng SRA, around less than 130,000, pero ang hindi natin alam, kung saan napunta yon,” dagdag pa niya.
Hindi dapat palampasin ng pamahalaan ang nangyayaring ito sa presyo ng asukal dahil hindi biro ang itinaas ng presyo nito na siyang nakakadagdag pa sa paghihirap ng mga mamamayan.
Dapat na ring masolusyunan ang problemang ito dahil ito ay hindi lamang problema ng mga consumer kundi maging ng mga magsasaka at nagtatanim ng tubo sa bansa.