Pinalawig pa ng 90 days ang SIM registration sa bansa makaraang aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang recommended extension nito na deadline na ngayong Miyerkules.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na ipaalam sa publiko ang ginawang pagpapalawig sa registration.
Ayon sa mga datos, as of April 23, 2023 ay nasa mahigit 82 milyong SIM cards umano ang naiparehistro pero katumbas lamang ito ng 49.31% ng kabuuang active SIMs hanggang Disyembre 2022, o 168,016,400 total number ng active SIMs sa bansa.
Sa 82 milyong registered SIMs, mahigit 37 milyon ang mula sa Globe, mahigit 39 milyon sa Smart at mahigit limang milyon mula sa Dito.
Target ng DICT na 70 percent ng mga active SIM ang mairehistro sa 90-day extension.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, itinakda ang deadline sa mandatory SIM registration sa Abril 26, 2023. Gayunman, may probisyon sa batas na maaari itong palawigin kung kakailanganin.
Sinuportahan naman ni Senador Grace Poe, principal sponsor ng batas sa Senado ang desisyon na palawigin ang SIM registration.
Sinabi ng senadora na dapat kumilos ang telecommunications companies at bumaba sa “grassroots” para makapagparehistro maging ang mga nasa malalayong lugar.
“As most telcos have been enjoying vast profits from their services, they have the corresponding obligation and the necessary resources to track down their SIM users and to widen the opportunity for registration,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate public services committee.
“Both [National Telecommunications Commission] and telcos must double their efforts in reaching out to subscribers in rural and remote areas,” dagdag niya.