Nitong nakaraan ay napabalitang nagkakaubusan na ng mga plastic cards na ginagamit ng Land Transportation Office (LTO) para mag-imprenta ng mga driver’s licenses sa lahat umano ng tanggapan ng ahensya.
Ang solusyon na iminungkahi ng LTO ay ipiprint muna nila ang mga bagong ilalabas na lisensya sa papel habang hinihintay pang dumating ang panibagong supply ng mga plastic cards.
Pero ang solusyon na ito ay ikinadismaya ng Alliance of Road Users and Motorcycle Advocate Society.
“Iresponsableng pamamahala ng LTO, waste of money, waste of time…. Sana pagbutihin nila ang kanilang trabaho. Hindi pa nga tapos ang isyu sa plaka, heto na naman tayo,” saad ng national director ng grupo na si Zaldy Lenon.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Office na pansamantala lang ang maiisyu na papel na lisensiya habang naghihintay ng pondo na pambili ng plastic cards at sa tantiya ng LTO, hanggang Abril na lang tatagal ang natitirang plastic cards sa buong bansa.
Dahil dito, palalawigin ng LTO hanggang Oktubre 31 ang bisa ng drivers licenses na mapapaso simula Abril 24.
Wala ring sisingiling multa sa late renewal.
“Nagdesisyon ang LTO na gawin ito dahil ayaw namin ng dagdag na abala sa ating mga motorista…. Patuloy po kaming nakikipag-ugnayan sa DOTr tungkol po sa procurement process na kanilang ginagawa… Kami po ay umaasa sa kanilang agarang aksiyon tungkol po dito,” sabi ni LTO Assistant Secretary Jay Art Tugade.
Ayon naman sa DOTr, nahuli ang LTO sa paghahanda sa proseso ng pagbili o procurement process na kailangang dumaan sa maraming hakbang para masiguro na tama ang gagawing pagbili.
Sana ay masolusyunan agad ito ng ating pamahalaan dahil ibayong problema pa ang maaaring maging dulot nito sa ating mga motorista dahil magkakalituhan pa kung paano iimplementa ng mga enforcers ang paniniket sa mga papel na lisensya.