Isang jeepney driver ang inaresto ng mga otoridad dahil umano sa pananakit ng isang traffic enforcer sa Maynila matapos nitong mahuli dahil sa isang traffic violation sa bahagi ng Pedro Gil-Taft Avenue.
Ayon sa mga ulat, sinabing traffic violation lang sana ang ipapataw sa isang jeepney driver pero nauwi sa pagkakakulong dahil sa direct assault sa enforcer na kinilalang si Melandro Alarcon na tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau.
Sinabi pa sa ulat na bibigyan lamang sana ng tiket ng enforcer ang drayber dahil sa paglabag sa no loading at unloading zone at hiningi nito ang lisensya ng jeepney driver.
Pero nagmatigas ang driver at nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan at sa tagal ng pagtatalo, bumaba na rin ang mga pasahero ng jeep.
Dahan-dahang pinaandar ng suspek ang jeep hanggang sa pinaharurot ito, base sa kuha ng CCTV sa insidente. Napaupo naman ang enforcer sa hood ng sasakyan para makaiwas na masagasaan.
Agad namang nakapagradyo si Alarcon sa mga kasamahan at matapos ang 10 minutong papakipaghabulan, nahuli ang suspek.
Ayon kay Maj. Dave Garcia, deputy chief ng Special Mayor’s Reaction Team ng Manila police, hindi rin nagpaawat ang suspek nang dalhin sa istasyon.
Todo-tanggi umano ang suspek sa violation na binibintang sa kaniya.
“Wala naman akong intensiyon na saktan po sila, wala po sa akin ‘yon pero kung nagkasala man sana po mapatawad na po,” sabi ng tsuper.
Samantala, arestado naman ang dalawang suspek matapos umanong pagbabarilin ang isang lalaki sa Antipolo City.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangongolekta ng pautang ang biktima noong Linggo sa Barangay Cupang nang dumating ang riding-in-tandem saka siya pinagbabaril.
Nakaligtas naman ang biktima, na kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan.
“Tinamaan sa leeg at sa batok pero nadala naman natin kaagad sa ospital at nabuhay naman siya,” saad ni Lt. Col. June Abrazado ng Antipolo police.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at natunton ang mga suspek noong gabi ng Lunes sa tulong ng mga kuha ng CCTV.
Nakumpiska sa mga suspek ang ginamit na jacket, sapatos at pistol. Nakuhanan din sila ng ilegal na droga.