Nitong nagdaang Semana Santa ay talaga namang dumagsa ang maraming mga lokal at turista sa mga bakasyunan o tourist destinations sa bansa upang ma-enjoy naman ang super long weekend.
Siyempre, ang hinahanap ng mga kababayan natin at maging ng mga dayuhang bisita sa bansa ay mag-enjoy at magkaroon ng pagkakataon na makapagpahinga ng ilang araw na walang iniisip.
Pero may mga ilang turista naman ang nagreklamo sa pagkamahal-mahal na environmental fee sa ilang mga tourist destinations.
Kaya naman ilang mga local government units ang nagpaliwanag kaugnay sa kanilang paniningil ng environmental fee sa mga turista at ayon kay Coron, Palawan Mayor Mario Reyes Jr. na iniipon ang nakokolektang environmental fee para magamit para sa “worst case scenario.”
“Ano yung worst case scenario? Unang-una, pagka bumalik yung ating COVID,” saad ni Reyes at dagdag niya, gagamitin din ito para sa ipatatayong sanitary landfill sa nasabing bayan.
“Hinihintay po naming magawa ang aming modern landfill, sa ngayon hindi pa gawa yung aming modern landfill.”
Ayon pa kay Reyes, hindi nila gagastusin ang naipong environmental fee hanggat hindi pa aprubado ang environmental compliance certificate at clearance mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa nasabing landfill.
P200 ang sinisingil na environmental fee sa mga turista, habang P150 ang sinisingil sa mga batang turista.
Saad ni Reyes, nasa P2 milyon ang nakolekta nilang environmental fee noong 2021, at nasa higit P23 milyon naman ang nasingil noong 2022. Nasa P15 milyon na ang nasisingil nila sa environmental fee ngayong taon, ayon sa opisyal.
Sana naman ay mabigyang-linaw talaga kung ano nga ba ang environmental fees na kailangan at sana ay magkaroon na rin ng standard sa paniningil upang hindi naman magulat ang mga turistang nais mag-relax sa mga tourist destinations sa bansa.