Nitong nakaraan ay nag-viral sa social media ang ginawang pag-inspeksyon ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa isang laruan kung saan sinira umano ito dahil pinaghinalaang may lamang kontrabando.
Napilitang nang pumayag ang pasaherong OFW na mula sa Hong Kong na pabuksan– kahit na sa paraan ng pagsira — sa tauhan ng BoC ang dala niyang laruan sa Ninoy Aquino International Airport.
Hinihinala kasi ng BoC na may laman na kontrabando o ilegal na droga sa loob ng dala niyang laruan na eroplano. Pero nang masira ang laruan, walang anumang kahina-hinala na natagpuan sa loob nito.
Humingi na nang paumanhin ang pamunuan ng BoC kaugnay sa insidente na talaga namang umani ng batikos mula sa mga netizens.
Pero paliwanag ng isang abogado, malawak ang saklaw na kapangyarihan ng BOC para sa mga papasok na tao at iba pang mga gamit sa ports of entry sa bansa tulad ng airport at iba pang pantalan.
Ayon kay Atty. Gaby Concepcion, sa ilalim ng Republic Act 10863 o “An Act Modernizing the Customs and Tariff Code,” may police power na ibinibigay sa Customs, kasama na ang kapangyarihan na magsagawa ng search sa mga tao at bagahe na pumapasok mula sa ibang bansa.
Sinabi ni Concepcion na ang BOC ang “first and last line of defense” laban sa mga ilegal o ipinagbabawal na importasyon, tulad ng droga.
Pero hindi umano dapat abusado ang kapangyarihan ng Customs, at dapat mayroon itong dahilan o “reasonable cause” para magbukas at sumuri ng kahit na anong bagahe, envelope, container o kahon, at maging mga laruan.
Pangalawa, “non-intrusive” na pamamaraan ang dapat na gagamitin ng Customs sa kanilang pagsusuri. Pero bilang “general rule,” hindi dapat tumanggi ang publiko sa ganitong klase ng inspeksiyon, ayon kay Concepcion.
Sa insidente ng pasahero na nasira ang dalang gamit ngunit walang nakitang kontrabando, sinabi ni Concepcion na kung may “reasonable ground” para magsuspetsa ang Customs officer, maaari itong maging kaso ng “Damnum absque injuria” o “loss or damage without injury.”
Bukod dito, wala nang ibang posibleng paraan para malaman ang katotohanan kundi sirain ang laruan.
Hindi naman siguro masama kung mag-inspeksyon ang mga tauhan ng BoC ng mga gamit na pinaghihinalaan nilang may lamang kontrabando, pero sana ay may mas maayos na pasilidad ang ating mga ahensya upang maiwasan nang maulit ang mga ganitong pangyayari.