Hindi maikakaila na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente at talagang aasahan pa na kokonsumo ng mas maraming elektrisidad ngayong tag-init na naman sa Pilipinas.
Pero may mga alternatibo pa namang paraan upang magkaroon ng enerhiya, gaya nang sumisikat ngayon na solar energy na talaga namang nakakatulong upang mabawasan ang gastusin sa elektrisidad.
Kaya kasing paandarin ang maraming mga ilaw at iba pang electrical appliances sa pamagitan ng solar energy.
Ayon sa isang solar panel distributor, sa loob ng anim na buwan, kaya nang bawiin sa natipid na kuryente ang pinambili ng solar power system.
Dapat din umanong isaalangalang ang lokasyon at laki ng bahay na pagkakabitan ng solar panels.
“Pagmalapit sa ilog mas mababa yung irradiation, siguro dahil sa condensation. So we want to make sure na yung solar investment ay really optimal, we simulate para yung size hindi masyadong malaki hindi rin maliit kasi nasasayang din kung hindi nagagamit,” saad ni Netsolar president Paolo Concio.
Paalala naman ng Meralco, may kompensasyon para sa mga gumagamit ng renewable energy gaya ng solar.
Sa ilalim ng net metering system, posibleng maibenta sa Meralco ang sobrang kuryente mula sa solar panels.
“If there is a solar installation in your house tapos nag-export yan instead of decreasing your bill actually dadagdag yan it will counted against you. So the reason for net metering or bi-directtion meter is so we can export options and yun ang bibigyan namin ng credits Hindi madadagdag against your bill yung solar,” sabi ni Meralco Electric vehicle, renewable energy and peak/off peak manager Tonichi Agoncillo.
Sana lamang ay mabigyan rin ng pansin ang paggamit ng solar energy ng ating pamahalaan dahil talaga namang epektibo ito sa pagpapababa ng bayarin sa kuryente.