Hindi na maitago ang excitement ng mga fans ng magkasintahan na sina Mikee Quintos at Paul Salas sa mga pasabog nilang eksena sa latest romance drama series ng GMA na “The Write One.”
Talagang hinihintay ng mga fans ang pakilig ng dalawa sa Kapuso primetime series na nagsimula na nitong nagdaang Monday, March 20.
Hindi ito ang unang beses na nagsama sa isang project ang magdyowa pero mas espesyal at exciting nga ang proyektong ito para sa kanila dahil makakatrabaho nila rito ang mga kaibigan nilang sina Ruru Madrid at Bianca Umali.
Interesting ang tema at konsepto ng “The Write One” na may pa-multiverse effect din tulad ng super successful na “Maria Clara at Ibarra” nina Barbie Forteza, David Licauco, Dennis Trillo at Julie Anne San Jose.
Bukod dito, may “switching” partners pang mangyayari kung saan sina Ruru at Mikee ang magiging magdyowa habang sina Paul at Bianca naman ang magtatambal sa isang bahagi ng serye.
Samantala, diretsahang inamin ni Mikee sa ginanap na presscon ng “The Write One” na hindi rin perfect ang relasyon nila ni Paul. May mga pagkakataon na nagkakaroon din sila ng hindi pagkakaunawaan.
Natatandaan pa ng magdyowa na kahit nasa taping sila ng bago nilang serye ay may mga araw na hindi sila okay as partners.
“‘Yung mga napapagdaanan naming arguments kung sakali mang may hindi kami ma-agreehan sa set, hindi niyo maiiwasan ‘yun,” pagbabahagi ni Mikee.
Sa ilang beses na pagsasama nila ng aktor ay marami pa siyang nadidiskubreng differences nila, “Working together talaga, magkaiba kami.
“I realized, kami ni Paul, magkaiba kami ng atake sa trabaho. Magkaiba ‘yung needs namin,” sey ni Mikee.
“Going through those small things, doon nagiging better ‘yung real life relationship namin and the way we work din on set,” dagdag ni Mikee.