Pinaniniwalaang isang malaking personalidad umano ang may kaugnayan sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo nitong nakaraan batay umano sa extra-judicial confessions na ginawa umano ng dalawa sa mga nadakip na suspek.
Ayon pa sa mga nahuling suspek na kinilalang sina Joven Javier at Osmundo Rivero, kasama rin daw sa plano laban sa biktima ang pagbaril ng sniper.
Isa umanong “Marvin” ang ginamit na middleman ng nag-utos na patayin ang gobernador.
Apat na plano umano ang inilatag kung papaano itutumba si Degamo—isa na rito ang pag-ambush, pagbaril ng sniper, pag-intercept kay Degamo habang nag-iikot sa mga nasasakupan, at ang pagsalakay sa kaniyang bahay.
Nitong nakaraang Sabado, pumasok sa bakuran ng bahay ni Degamo ang mga salarin at doon isinagawa ang pagpatay sa biktima. Bukod sa gobernador, walong iba pa ang nasawi, at may mga nasugatan.
Dati umanong mga sundalo sina Javier at Rivero.
Napag-alaman na bago maalis sa serbisyo, isang sniper si Javier. Handa raw niyang sabihin ang lahat ng kaniyang nalalaman basta bigyan lang ng proteksyon ang kaniyang pamilya.
Humingi rin siya ng paumanhin sa militar na dati niyang kinabibilangan.
Si Rivero, itinanggi na may perang inalok sa kaniya sa ginawang pagpatay sa gobernador. Napilitan lang umano siyang sumama dahil pinagbantaan ang buhay ng kaniyang pamilya.
Ayon sa souce, ilang araw pa lang daw si Rivero sa grupo na nag-apply bilang driver at hindi nito alam na mauuwi sa pagpatay kay Degamo ang kanilang lakad.
Kung matatandaan, kinumpirma ng isang kongresista na naging security escort niya noon ang isa sa mga suspek sa pagpatay kay Degamo pero sinibak ang naturang suspek– na kumpirmado ring dating sundalo — matapos na magpositibo umano sa drug test.