Nagpayo ang aktres at social media influencer na si Jelai Andres sa mga mayroong hinaharap na problema sa buhay at ayon sa dalaga, mas mabuti pa ring sa ating pamilya unang lumapit at maglabas ng mga sama ng loob.
Dagdag niya, ang pamilya pa rin ang unang makakaintindi at magmamahal sa iyo nang walang kapalit o panghuhusga kaya mas mabuti pa ring unang kausapin ang pamilya bago ang mga kaibigan kung may mabigat na problemang kinakaharap.
Pero aminado si Jelai na may mga pagkakataon na una siyang nakikipag-usap sa kaibigan bago ipaalam sa pamilya ang problema.
“Pero mali. Na-realize ko ang ending sa family din ako lumapit. Dapat ganu’n, unahin yung family niyo kasi sila talaga yung makapagpapagaan ng loob mo,” sabi ni Jelai.
“Kung may problema kayo, sila dapat ang unang makakaalam kasi sila yung makakatulong sa ‘yo at saka siyempre sarili mo,” dagdag niya.
Kailangan din daw i-acknowledge ng isang tao ang pinagdaraanan niya at hangga’t maaari ay huwag kimkimin ang problema dahil mas makabubuti pa rin ang mai-share ito para mas gumaan ang pakiramdam.
Pero nilinaw naman ni Jelai na wala rin namang issue kung sa kaibigan unang magsasabi ng problema basta ang mahalaga may mga support system tayo na pwedeng lapitan anumang oras.
“Pero kung ako po talaga ang tatanungin, family pa rin,” ang mariin pang sabi ni Jelai.