Isang eksperto sa batas ang naniniwala na hindi pa abswelto ang political provisions sa isinusulong na charter change o pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ayon kay Atty. Rene Sarmiento, isa sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution, na imposibleng sumentro lamang sa economic provisions ang pagtalakay sa Charter Change o Cha-Cha.
Dagdag pa niya, sa oras na isalang sa constitutional commission o constitutional assembly ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay madali na lang maisingit ang pagbabago sa mga political provisions.
Maaalalang isinulong ng ilang mambabatas na amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas para makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Pero giit ni Sarmiento, hindi pa napapanahon ang pagpapalit sa Saligang Batas.
Ayon pa sa kanya, ang dapat gawin ng Kongreso ay lumikha ng mga batas na magbibigay-buhay sa mga probisyon ng Konstitusyon tulad ng pagbabawal sa political dynasty.
Sa tingin namin ay talagang hindi pa napapanahon na palitan ang Saligang Batas ng bansa dahil mas marami pang problema ang dapat unahin ng ating pamahalaan, gaya nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at krudo.
Malaking problema rin ang sigalot na may kaugnayan sa modernization ng ating mga public transport vehicles – partikular na ang jeepney – kung saan nagkakasa na ng malawakang tigil-pasada ang mga jeepney operators.
Nariyan rin ang nagpapatuloy na problema sa pabahay, kagutuman at kahirapan.
Kaya sa ganang amin, hindi pa talaga panahon ang pag-amyenda ng Saligang Batas. Mas mabuti sigurong pagtuunan muna ng pansin ang mas mabibigat na problema ng bansa.