Iginiit ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na wala siyang kinalaman sa isinagawang Oplan Tokhang sa Davao City noong panahon ng kanyang termino bilang alkalde.
Kasunod ito nang naging akusasyon ni dating pulis ng Davao na si Arturo Lascañas na naunang itinuro ang Vice President umano ang pasimuno ng oplan tokhang sa Davao City.
Kung matatandaan, nagpakilala ring miyembro ng Davao Death Squad si Lascañas at idinawit rin nito sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Pastor Apollo Quiboloy at ilang nakaupong senador.
Batay sa pagsisiwalat ni Lascañas, humigit kumulang 10,000 ang napatay sa Tokhang sa Davao. Hiwalay pa raw ito sa pinapatay sa pinalawak na tokhang sa Metro Manila.
Sa isang video message, sinabi ni VP Sara na kinakaladkad ang kanyang pangalan sa isyu para maisama siya sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa extrajudicial killings na iniuugnay sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag niya, sa mga taon na nagsilbi siya bilang Mayor at Vice Mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi nadawit ang pangalan niya sa naturang isyu.
Bigla nalang umanong nagkaroon ng testigo laban sa kanya nang mahalal siya bilang Vice President.
Malinaw na sadyang ipinilit lang umano na maidugtong ang kanyang pangalan para siya ang maging akusado sa ICC.
Hamon ng bise presidente sa nasabing testigo at sa mga tao sa likod nito, magsampa umano sila ng kasong murder laban sa kanya dito sa Pilipinas.
“Bigla nalang nagkaroon ng testigo laban sa akin nang mahalal ako na Vice President at kabilang na nga ako ngayon sa mga akusado ng International Criminal Court. Maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong ang pangalan ko sa isyung ito para ako ang maging akusado sa ICC,“ saad ni VP Sara.
Matatandaan rin na si Lascañas, na nagretiro sa police force na may ranggong Senior Police Officer 3, ay unang napansin ng publiko nang si Edgar Matobato, ang unang whistleblower mula sa DDS, isang notorious vigilante group sa Davao na kilala sa pagtugis sa mga maliliit na kriminal, ay pinangalanan siya na kabilang sa mga sangkot sa tinatawag na death squad.