Inihayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office na nasa higit P2.4 bilyong halaga ng jackpot prizes ang tinamaan na sa 11 lotto games mula noong December 2023.
Batay sa datos ng PCSO, sinabing tinamaan ng isang mananaya ang P698 milyong premyo sa Grand Lotto 6/55 draw noong December 17 habang isang mananaya rin ang tumama ng P640 milyon sa Super Lotto 6/49 draw noong December 16.
Bukod pa rito, isang mananaya ang tumama naman ng P571 milyon sa Ultra Lotto 6/58 draw noong December 29 at may nanalo rin ng P310 milyon jackpot prize sa Super Lotto 6/49 draw noong December 19.
Nitong Enero 24, isang mananaya ang tumama ng P45.6 milyon para naman sa Megalotto 6/45 draw.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, nagpahayag ng pagdududa ang ilang senador na limang laro ng lotto ang tinamaan sa loob lang ng hindi pa aabot ng isang buwan.
Inihayag naman ni Senador Raffy Tulfo na ang hinala umano ng ibang tao na minamanipula ang resulta ng lotto, na mariing itinanggi ni PCSO General Manager Mel Robles.
“We assure you that we can never manipulate it. Kaya nga allow kami mag bet. Even I can bet because it’s beyond me,” saad ni Robles.
“Betting on all combinations is a right of everybody, it does not guarantee… assuming somebody bet on all combinations, if you can, it does not guarantee that you will get the jackpot by yourself. Our records show, hindi naman binettan lahat ng combinations nung day na tinamaan,” dagdag niya.
Kung matatandaan, nasangkot sa kontrobersiya ang PCSO sa inilabas na larawan nito tungkol sa umano’y lotto winner na kumuha ng jackpot prize dahil napansin ng netizens sa larawan na edited ang sinasabing nanalo.
Kinumpirma naman ni Robles sa naunang pagdinig ng Senado na sadyang inedit ang larawan para sa proteksyon ng lotto winner.