Isang lalaki na nagpapanggap umano na isang abogado sa Pasay City ang inaresto ng mga otoridad matapos magreklamo ang mga nabiktima nito.
Natiklo ang pekeng abogado sa isang entrapment operation na isinagawa ng Pasay Police kung saan nakipagkita ang mga biktima sa suspek sa isang coffee shop upang iabot ang balanse sa ikalawa nitong appearance fee.
Nagpatulong ang biktima sa mga pulis para mahuli ang suspek.
“Complainant na rin mismo ang nag-aresto dito sa suspek. Sa tulong ng pulis na nandun sa area na nagpapatrol, nilapitan siya ng complainant at humingi ng tulong na ito ngang suspect ay nagde-demand ulit sa kanya ng P50,000,” saad ni PCpt. Dennis Desalisa, Chief Investigator ng Pasay City Police Station.
Itinanggi naman ng suspek na nagpakilala siyang abogado at sinabi na isa lamang siyang consultant.
“Lumapit po tapos ginagawan ko po ng affidavit of complain. Pagka-direct filing, ‘yung complainant lang po saka prosecutor. Hindi po P500,000. P160,000 po. ‘Yun po ‘yung ni-request sa kanya,” depensa ng suspek.
“Graduate po ako ng law. Nag-aral po ako ng law pero hindi po ako nakapasa sa bar,” dagdag ng suspek.
Iniimbestigahan na rin ng pulisya kung may iba pang mga nabiktima ang suspek na mahaharap sa reklamong swindling.
Ayon sa biktima na taga-Binangonan, Rizal, inirekomenda ng isa niyang kakilala ang naturang lalaki para sa isasampa nilang kaso.
“Ang dami po niyang alam sa batas e. Siya po gumawa ng affidavit namin, nag-file ng case namin sa prosecutor’s office. Nagpakita pa po siya ng IBP ID sa amin so talagang legit siya sa paningin namin,” sabi ng biktima.
Umabot sa higit kalahating milyong piso ang naibayad nila sa pekeng abogado sa paghahain pa lang ng kaso.
“Iba-iba po e, bayad daw po sa fiscal. ‘Yung appearance niya po P60,000. Tapos nung December po, nag request po siya ng pangalawang appearance fee niya, P120,000,” ayon sa biktima.
“Kami naman po kasi first time namin magsampa ng kaso. Akala namin ganoon talaga ang proseso,” dagdag ng biktima.
Nanghingi pa umano ng Christmas gift na P60,000 ang lalaki, dahilan para lalong magduda ang biktima at matapos nito ay natuklasan na ginagamit lang ng suspek ang kaparehong pangalan ng isang lisensyadong abogado mula Bataan.