Bisto na ang paglabag ng isang sikat na kapihan sa batas na nagbibigay diskwento sa mga matatanda at may kapansanan. Nabisto ang umano’y pandaraya dahil sa palpak na karatulang isinabit ng kapihan sa mga outlets nito.
Nakalagay sa karatula ang paalala sa mga parokyano na hanggang isang inumin at pagkain lang ang may diskwento para sa mga senior citizen. Ang litrato nito ay inilagay sa social media kaya kumalat ito at nakarating sa mga kinauukulan. Sa sobrang sikat ng karatula ay nakarating pa ito sa kaalaman ng mga kongresista kaya naman inimbestigahan nila ang kinatawan ng kapihan. Hindi kasi ito nakakatuwa.
Tama naman ang mga kongresista dahil inamin ng kinatawan ng kapihan na mali ang karatula at pinatanggal na nila. Ibig lang sabihin nito ay hindi maaaring isang kape at isang tinapay lamang ng isang matandang parokyano ang maaaring patawan ng diskwentong 20 porsyento ng presyo nito alinsunod sa batas.
Ayon sa isang kongresista na namuno sa imbestigasyon ng paglabag sa batas ng kapihan, dapat ay bumawi ito sa mga naargabyado o hindi nakakuha ng diskwento sa ibang order nila sa naturang kapihan. Maaaring kumita ang kapihan kung napilitang magbayad ng buo ang mga hindi pinatawan ng diskwento.
Ang mungkahi ng mambabatas ay magbigay ito ng isang libreng inumin at isang libreng croissant sa isang senior citizen na parokyano ng isang araw.
Sa gayon ay matatandaan raw ng kapihan kung ano ang nararapat na ibigay nito sa mga parokyanong saklaw ng batas sa diskwento sa matatanda at may kapansanan.
Hindi umano sapat ang paghingi ng kapihan ng tawad sa mga naperwisyong parokyano nito.
Kung papalag ito o hindi, inaasahang dadagsa ang mga senior citizen sa mga outlet ng sikat na sikat na kapihan upang magkape at kumain ng croissant. Tiyak na mag-e-enjoy sila kung kakasya silang lahat sa loob ng kapihan.
At kung marami ang magpapalibre, tiyak na malulugi ang kapihan sa mauubos na inumin at pagkain na hindi mababayaran.
Sa pagbalangkas ng nasabing batas, hindi maaaring hindi nakita ng mga mambabatas ang ganitong scenario na hindi tama kung ikalulugi ng negosyo.
Subalit hindi maaaring hindi narinig ang panig ng mga negosyante sa bagay na ito dahil may pampublikong pagdinig sa pagbabalangkas ng isang batas. Tila pumayag ang mga kapihan sa batas dahil ito’y nakapasa.
Maaaring katakutan ito ng iba pang mga kainan dahil ikalulugi nila kung araw-araw na kakain at iinom sa kanila ang isang senior citizen at ibibigay nila ang karampatang diskwento alinsunod sa batas.
Kung kailangang repasuhin ang batas ay dapat pag-usapan muna, marahil sa isang kapihan.