Pumalo umano sa higit 30 oras ang sunog na naganap sa isang oil mill sa Barangay San Benito, Alaminos, Laguna na nagsimula pasado alas-2 ng madaling araw nitong Linggo.
Ayon kay Reymond Bondocoy, security guard ng naturang oil mill, tatlong beses na nawalan ng kuryente ang kanilang warehouse bago nangyari ang sunog.
“Pagbalik po ng kuryente, bigla pong nag-spark ‘yung loob ng bodega. ‘Yun na po ‘yung pinag-umpisa ng sunog. Sinubukan pa po naming apulahin pero hindi na po namin kinaya ng mga trabahador,” sabi ni Bondocoy.
Agad itinaas sa ikatlong alarma ang sunog na tumupok sa dalawang bodega na naglalaman ng mga kopra, na ginagamit na pangunahing materyales para sa produktong langis.
“Medyo mahirap kasi ito po ay oil at saka ‘yung volume ng nasusunog ay medyo may kalakihan po. Nasa 2,300 tons ang laman as per info nung nandito sa area,” saad ni FCInsp. Adrian Dela Cruz, Fire Marshal ng San Pablo Fire Station.
Pahirapan ang pag-apula ng apoy dahil naglilingas ang mga nasusunog na kopra kaya kinakailangan pa itong hakutin palabas ng mga bumbero.
“Ito po ay combustible at itong katas nito ay naglilingas po. Ang ginagawa po namin nilalabas po namin unti-unti ang kanilang mga stock na kopra,” sabi ni Dela Cruz.
Bandang alas-5 ng umaga nang kumalat ang apoy malapit sa tatlong tangke na imbakan ng mga langis.
Dahil dito, naglikas ng mga gamit ang mga guwardya ng Bureau of Internal Revenue District Office ng San Pablo City na katabi ng nasusunog na oil mill.
“Bigla ulit siyang sumiklab, e ‘yun pong tangke kinapitan na ng apoy. Baka maya-maya kung anong mangyari, maigi na po ‘yung secure ‘yung aming establishment na binabantayan,” ayon kay Enrico Santos, security guard ng BIR.
Sinabi naman ng BFP na inuna nilang i-confine ang sunog upang hindi madamay ang mga katabing gusali.
Bandang alas-10 ng umaga inaapula pa rin ng mga bumbero ang nasusunog na oil mill. Iniimbestigahan na rin nila ang pinagmulan ng apoy. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.