Iniulat ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. na tinanggal na sa puwesto si Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong na nasangkot sa hit and run incident noong 2022 na ikinasawi ng biktimang tricycle driver.
Ayon kay Acorda, inaasahan na naisilbi na ang dismissal order kay Abong, na nasangkot rin sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa labas ng isang bar sa Quezon City Nobyembre nang nakaraang taon.
“I already signed the dismissal order. It should be implemented,” sabi ni Acorda. “Based on our record, wala na siya.”
Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na epektibo ang pagsibak sa trabaho kay Abong noong Disyembre 18, 2023.
Kung matatandaan, naaresto si Abong noong nakaraang Nobyembre matapos masangkot sa gulo at magpaputok ng baril sa labas ng isang bar sa Barangay Laging Handa sa Quezon City.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may nakaalitan si Abong na kapuwa niya customer.
Nagkaroon pa ng tensyon sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit office sa Camp Karingal nang tangkain ni Abong na umalis nang walang pahintulot ng PNP.
Sinampahan siya ng mga reklamong illegal discharge of firearms, violation of election gun ban, maltreatment, at direct assault upon an agent of person in authority.
Naungkat din ang pagkakasangkot ni Abong sa hit and run incident noong Agosto 2022 nang mabangga ng minamaneho niyang pick-truck ang isang pumapasadang tricycle sa Quezon City.
Nasawi ang driver ng tricycle na si Joel Larosa, at nasugatan ang isang pasahero nito.
Lumitaw noon sa imbestigasyon na lasing umano si Abong at inagawan nito ang linya sa kalsada ng tricycle kaya nangyari ang insidente at iniwan ang biktima.